MAGALONG, NANAWAGAN NG TULONG SA KOMUNIDAD UPANG MAHULI ANG SUSPECT SA STRAY BULLET INCIDENT

BAGUIO CITY

Nanawagan si Mayor Benjamin Magalong sa mga kinauukulang residente ng lungsod na makipagtulungan upang makilala at mahuli ang suspek na nagpaputok ng baril kasabay ng pagsalubong ng bagong taon. Natamaan ng ligaw na bala ang 60-anyos na pari na nanguna ng isang misa sa Barangay Irisan, Baguio City. “Nakikiusap ako sa ating mga komunidad, especially dun sa area na pinangyarihan na please report.

Kung mayroon po kayong narinig na nagpaputok ng baril, please let us know para maimbestigahan kaagad,” apela ng alkalde. Ayon sa Baguio PNP, pagkatapos ng misa ay nakinood ang biktima ng
fireworks display. Habang nanonood ay naramdaman na lamang ng pari ang bahagyang pangangati ng kanyang kaliwang balikat. Nang kamutin niya ito ay napansin na lamang niyang dumudugo ito.

Agad naman itong isinugod sa ospital. Pagkalipas ng ilang oras ay nakalabas din ito sa pagamutan.
Ang narekober na bala ay pinaniniwalaang galing sa kalibre 9mm na baril. “Ngayon, hinahanap natin ‘yung may-ari ng firearm na ‘yun. Good news is we were able to recover ‘yung slug,” ani
Magalong. Nasa PNP Forensic Group na ang naturang bala para sa ballistic examination.

Samantala, sa pinakahuling ulat ng Department of Health Cordillera nitong Enero 2, 2024, mula Disyembre 21, 2023 ay nasa siyam na ang fireworksrelated injuries na naitala sa Baguio City. Mas mataas ito kung ikukumpara sa anim na kaso na naitala mula Disyembre 21, 2022 hanggang Enero 6, 2023. Sa maigting naman na kampanya ng pulisya laban sa paputok, nasa 7,415 na paputok
ang nakumpiska ng Baguio PNP as of January 1, 2024. Sa ilalim ng Ordinance No. 53, series of 2009, mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta at paggamit ng paputok sa lungsod.

(DEG-PIA CAR)

Amianan Balita Ngayon