MAGALONG TATAKBO MULI BILANG MAYOR NG BAGUIO

BAGUIO CITY – Kinumpirma ni Mayor Benjamin Magalong ang kanyang muling pagtakbo para sa ikalawang termino bilang Alkalde ng Summer Capital.
Sinabi sa ABN ni Magalong na taliwas sa mga napapabalitang tatakbo siyang Senador sa hanay ni Presidentiable candidate Panfilo Lacson.
“Wala na po tayong lugar sa grupo ni Lacson at ayokong iwanan ang aking lungsod ngayong panahon pa ng pandemya. Mas kailangan kong harapin ang ginawa kong pagsisikap na hindi malugmok ang siyudad laban sa Covid at umaarangkada tayo kung paano ibalanse ang COvid at Hunger o ekonomiya sa gitna ng pandemya.Patuloy ang ginagawa nating proyekto para sa ikakaganda ng lungsod at mga programa para sa pangkabuhayan sa hinaharap nating normal na pamumuhay,” pahayag ni Magalong.
Si Magalong ay itinalagang Contact Tracing Csar ng national Inter-Agency Task Force, dahil sa kanyang angking talino at ambag sa pagkontrol ng COVID-19.
Noong 2019 election, si Magalong ay tumakbong Independent sa pagka-Mayor, na walang Vice Mayor at dalawang councilor candidate lamang.
“Landslide victory” ang tinamo ni Magalong laban sa 8 nitong katunggali, sa botong mahigit sa 40,000 at kalahati lamang ang naabot ng pumapangalawang katunggali nito.
“Hindi ako pulitiko.Tumakbo akong Mayor dahil gusto kong baguhin sistema ng kalakaran at imahe ng lungsod. Alam ko may mga galit sa aking pamamalakad, pero sana naman tignan mabuti ang ating nagawa sa lungsod. Hindi ako ang Mayor na ECQ agad at lockdown dito, lockdown doon, dahil kahit mataas ang ating COVID case ay tinitignan ko muna ang ekonomiya at kabuhayan ng siyudad.”
Hindi pa mabatid kung anong araw maghahain ng candidacy si Magalong, na ang matunog na makakatunggali ay si dating Mayor Mauricio Domogan at dating Vice Mayor Edison Bilog.
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon