MAGPANAGOT AT MAGPAWALANG-SALA AYON SA TAMANG PROSESO NG BATAS

“Kami, ang makapangyayaring sambayanang Pilipino, na humihingî ng tulong sa Makapangyarihang Diyos, upang bumuo ng isang makatarungan at makataong lipunan at magtatag ng isang Pamahalaan na kakatawan sa aming mga mithiin at mga lunggatiin,
magtataguyod ng kabutihan sa bawat isa, mangangalaga at magpapaunlad ng aming kamanahan, at titiyak para sa aming sarili at ang kanang susunod ng mga biyaya ng kalayaan at demokrasya sa ilalim ng pananaig ng batas at ng pamamahalang puspos ng katotohanan, katarungan, kalayaan, pag-ibig, pagkakapantay-pantay at kapayapaan, ay naglalagda at naghahayag ng Konstitusyong ito.” Ito ang maliwanag na panimula ng kasalukuyang Saligang Batas ng 1987.

Ang Saligang Batas ng Pilipinas o Konstitusyon ng Pilipinas ay ang kataas-taasang batas ng Pilipinas. Pinagtibay ito noong Pebrero 2, 1987 sa pamamagitan ng isang plebisito kung saan ang higit sa 3/4 o 76.37% ng mga humalal (17,059,495) ang sumang-ayon dito, laban sa 22.65% (5,058,714) na bumutong tutol sa pagpapatibay nito. Ang saligang batas o konstitusyon ay isang pangkat ng mga prinsipyong saligan o pundamental o nailunsad at naitatag na mga pamarisan na pinagbabatayan o inaalinsunuran kung paano pinamamahalaan ang isang estado o iba pang organisasyon. Ito ang pinakamahalagang dokumento na nagbabalangkas sa paggawa ng batas, istraktura ng pamahalaan, at nagtatakda ng mga prinsipyo, polisiya, karapatan, at responsibilidad ng mga mamamayan.

Ang kongreso ay isang mahalagang bahagi ng demokrasya (binubuo ng Senado at Mababang Kapulungan) na itinakda rin ng Saligang Batas. Inihahalal ng mga tao ang mga miyembro nito na mga senador at mga kinatawan o congressman. Ang mga mambabatas ay
gumaganap ng mahalagang papel sa pagkatawan sa mga interes ng mga tao sa mga nasasakupan bilang mga nahalal na miyembro ng pambansa, estado at teritoryo na mga parlyamento, gayundin ang mga awtoridad ng lokal na pamahalaan. Responsable sila sa pagbuo ng mga patakaran, pagbabalangkas ng batas, at pagtugon sa mga alalahanin ng kanilang mga nasasakupan. Maliban sa mag-aaral at paggawa ng mga panukalang batas na ipapasa para lagdaan ng Pangulo upang maging ganap na batas, ang senado lamang ang kinatawan ng pamahalaan ng Pilipinas na maaaring magsabatas ng mga kasunduan sa ibang bansa, at makapaglitis ng mga kasong pagkakatiwalag o impeachment.

Makailang ulit na ring naranasan ng bansa na magsagawa ng “impeachment”, una kay dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada noong November 13, 2000; Ombudsman Merceditas Gutierrez noong March 22, 2011; Chief Justice Renato Corona noong December 12,2011; at kay Comelec Chairman Andres Bautista noong October 11, 2017. Naging mainit at masalimuot ang mga kasong ito na naitatak na sa kasaysayan at isipan ng mga Pilipino. Naging kontrobersiyal ang bawat kaso ng mga impeachment na ito dahil sa mga pinagdudahang resulta ng hatol ng mga senador noon na tumayong mga hukom. Muli tayong nahaharap sa matinding pagsubok na naman ng isang paglilitis sa impeachment. Subalit ang kasalukuyang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte marahil ang pinakamaingay, pinakapinag-uusapan, pinaka-kontrobersiyal at pinakaabangan ng bawat Pilipino dahil sa lubhang lumikha ito ng pagkawatak-watak, matinding away at pagkabaha-bahagi ng mg namumuno at mga politiko.

Ang Senado ang inaakalang isa sa dapat pagkatiwalaang institusyon ng katarungan at demokrasya ng mga tao dahil inaakala nating mga honorable ang mga miyembro nito. Ngunit unti-unti na itong tila gumuguho at nababahiran ng paghilig at kawalan na ng katapatan sa
institusyon, sa mandating ipinahiram, sa bansa at sa Saligang Batas ng maraming senador. Mistulang hayagang binababoy ng ilang mga senador ang senado at harapang trinatraydor ang mga Pilipinong nagluklok sa kanila, dahil ang katapatan nila ay sa mga taong iniidolo nila sa halip na sa bansa, mamamayang Pilipino at sa Saligang Batas. Kailangan nang matapos at maresolba ang dilemma ng impeachment na ito dahil maraming mahahalagang panukalang batas ang nakabinbin at mga inisyatibo ng gobyerno na magpapa-unlad sa bans ana kahit paano’y makakagaan sa hirap ng pamumuhay ng nakararami. Marami pang trabaho ang dapat gawin at tapusin. Kailangang managot ang dapat managot at mapawalang-sala ang sinuman sa tamang proseso ng hustisya na naaayon at paggalang sa
pinakamataas na Saligang Batas. Kapag nangyari ito, marahil makakamit natin ang isang makabagong Kalayaan.

Amianan Balita Ngayon