MAINIT NA PANAHON… MGA PROBLEMA, MAINIT DIN!

Kapuna-puna na noong pumasok ang panahon ng tag-init…sumabay din ang mga maiinit na problema sa bansa. Hindi lang ang mga magsasakang apektado ng natigang ang kanilang mga sakahan at mga mangingisda na natuyot ang kanilang mga palaisdaan ang sumabay sa init ng panahon. Marami pang mga pangyayari at yan ang kakaliskisan ng ating Daplis ngayong linggo: Isa sa mga mainit na isyu ay sa West Phil. Sea kung saan, di talaga tumitigil ang Tsina sa pagharang sa ating mga sundalo para maghatid ng supply sa naturang lugal. Kaya gumawa ng hakbang ang gobyerno sa pamamagitan ni National Security Adviser (NSA) Eduardo Año.

Sa pamamagitan ng telepono, nakausap niya si US National Adviser Jake Sullivan at iginiit niya ang “ironclad
commitment” ng US sa ilalim ng Mutual Defense Treaty sa Pilipinas. Ayon sa kanya, sasaklolo ang Estados Unidos
laban sa armadong pag-atake sa tropa ng Pilipinas, public vessels, aircraft kabilang ang Phil. Coast Guard saan mang
bahagi ng South China Sea (West Phil. Sea). Pinag-usapan din nina Sullivan at Año ang nakatakdang pagdalo ni
Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa inaugural ng Japan-Phil. US Bilateral Leaders Summit sa Washington DC sa susunod na linggo. Sa kabilang dako, meron ding planong magsasagawa ang Pilipinas kasama ang Japan, Australia at Estados Uniudos ng mga military exercises sa hinaharap.

Ito ay upang mapalakas ang suporta sa tensiyon sa WPS. Kamakailan…maraming rehiyon sa bansa ang apektado ng sobrang init ng panahon lalo sa mga mag-aaral. Sa mga ulat na nasagap ng Daplis, may mga eskwelahang nagkansela
ng kanilang mga klase upang mapangalagaan ang mga magaaral. Sumabay pa ang Pertussis na kadalasan ay mga
sanggol ang tinatamaan. Kaya nagbabala ang mga doctor mula sa Phil. College of Physicians (PCP) dahil tumaas ang mga kaso ng Pertussis o ang whooping cough sa ating bansa. Ayon sa report, sa unang linggo nitong taon, nakapagtala ang DOH ng mahigit sa limang-daang kaso ng nasabing sakit kung saan 40 ang nasawi at idineklara ang
outbreaks sa Quezon City, Pasig City, Iloilo City at Cavite.

At ito ang pagmamalasakit ni Iloilo Rep. Janette Garin na dating DOH secretary: pinapayuhan niya ang mga
kababaihan na huwag munang magsuot ng underwear tulad ng “panty” kung nasa loob lang naman ng bahay dahil sa
init. Ayon sa kanya, ang gentalia o ari ng babae ay madaling kapitan ng fungi kapag sobrang init ng panahon kaya huwag nang magsuot ng underwear sa loob ng pajama, short at anumang damit na pambahay para mas may bentilasyon ang genetalia ng mga babae, ayon kay Rep. Garin. Ang isa pang eksena sa pagpasok ng tag-init: ang
muling pagsadsad ng approval at trust ratings ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa pinakahuling survey ng Pulse
Asia noong nakaraang buwan.

Mula sa 68% noong Disyembre 2023, bumaba ng 13% at naging 55% noong Marso 2024. Sa ulat ng Pulse Asia, nakapagtala ng pinakamababang ratings ang Pangulo sa Mindanao na mula sa 70% naging 36%. Sumunod ang Visayas – mula sa 73% bumaba sa 54%; Metro Manila – mula sa 76% sumadsad sa 55% at mga natitira pang bahagi ng Luzon na mula sa 72% naging 67%. Samantala, sa Pulse Asia survey pa rin, bumaba rin ang ratings ni Vice Pres. Sara Duterte ngunit nanatili pa rin siya bilang most approved at trusted sa limang pinakamataas na mga opisyal ng bansa.

Ang approval ratings ni VP Sara ay bumaba mula sa 74% ay naging 67% ang kanyang trust ratings ay bumaba
rin mula sa 71% mula sa 78% noong Dec. 2023. Ang noncommissioned survey ng Pulse Asia ay isinagawa noong Marso 6-10 at may 1,200 respondents, ayon sa ulat. At yan mga ka-daplis ang mga maiinit na mga pangyayaring sumasabay sa pag-init ng panahon. Sana, huwag ng madagdagan pa dahil sa inaasahang pag-init ng panahon, ayon sa PAGASA ay tatagal pa ng ilang buwan baka raw abutin pa ang Agosto. Ingat. Adios mi amor, ciao, mabalos!

NO TURNING BACK

Amianan Balita Ngayon