Masusing usisain, lalo na ng mga otoridad sa pangangalaga ng kalikasan at sa kabilang banda ng mga nangangalaga din sa kapakanan ng
karaniwang mamamayan, ang operasyon ng Isla Verde Mining and Development Corp. (IVMDC) sa bukana ng Abra River sa Ilocos Sur.
Sapagkat, kung hindi magnetite ore o blacksand mining ito, lubhang nakababahala pa rin ang dulot na pahamak ng dredging sa huli ng mga mangingisda, pagkabawas ng kalupaan sa mga komunidad, pagkasira ng kalikasan, at pagkabulabog ng mga mamamayan.
Ayon sa pag-aaral ng non-government Ilocos Center for Research, Empowerment, and Development (ICRED), nakakasira ang dredging sa integridad ng inlet at nakaaapekto na sa buhay at hanapbuhay ng mga mamamayan ng walong barangay (6,860 katao) sa Ilocos Sur. Ayon sa reklamo ng mga taga Caoayan, Santa, at hanggang sa coastal barangays ng Vigan City, na-iistorbo ang mga isda sa katubigan malapit sa
dalampasigan dahil sa mga pagyanig na dulot ng barko sa operasyon, kaya’t kaunti na lamang ang nahuhuli ng mga mangingisda.
Matagal nang hinihiling ng mga apektadong mamamayan ng Ilocos Sur na isapubliko ang mga pag-aaral at dokumento katulad ng
Environmental Impact Assessment (EIA), ang naunang pag-aaral, feasibility studies at Memorandum of Agreement upang masuri lalo na’t kritikal ang operasyon ng IVMDC sa ecosystem. Sa kabila ng paninindigan ng DENR sa Region 1 na solusyon sa pagbaha ang dredging, bagkus lalo pang palalain ng dredging operations dahil maraming lupain ang mawawala ayon sa ekspertong pagtala ni Dr. Fernando Siringan.
Ayon din kay Dr. Siringan, gumamit dapat ang IVMDC ng mga barge na maaaring dumaan sa bukana ng Abra River at hindi dapat sila nagsagawa ng dredging sa karagatan na nagpapahina sa katatagan ng ilog kung layunin ng offshore dredging na palawakin o buksan ang daan patungo dito upang maibsan ang pagbaha sa inland. Hindi rin dapat inaalis mula sa Abra River System ang nakukuhang kalupaan at buhangin, bagkus ay ibinabalik dapat ito sa mga espesipikong lugar sa ilog at hindi dinadala sa reclamation projects sa Pasay City.
Tuluyan nang nawalang kredibilidad ang IVMDC nang ipatigil ang operasyon nito noong 2013 dahil sa iligal nitong blacksand mining sa Metro-Vigan dahil sa pagkasira ng kalikasan at pambubulabog sa mga apektadong komunidad. Bukod sa pagpapatigil sa operasyon nito, nararapat lamang na pagbayarin ito sa kapinsalahan sa kalikasan at kabuhayan ng mamamayan ng Ilocos Sur
June 14, 2025
June 14, 2025
June 14, 2025
June 14, 2025
June 14, 2025
June 8, 2025