LUNGSOD NG BAGUIO – Titingnan ng mga kinatawan ng Manila Water Philippine Ventures ang posibilidad ng pag-iipon ng tubig-ulan sa panahon ng tagulan bilang pagkukunan ng tubig upang masiguro ang matatag na suplay sa hinaharap, ayon sa isang opisyal noong Martes.
Sa isang panayam sa telepono, sinabi ni Manila Water business development manager Lorie Lim na titingnan nila ang panukala ng ilang opisyal ng lungsod sa pag-iipon ng tubig-ulan.
Iprinisinta ng Manila Water noong Lunes ang isang panukalang bulk water project para sa Baguio sa harap ng mga opisyal ng lungsod sa isinagawang Executive-Legislative meeting.
Sinabi ni Lim na tinitingnan nila ang dalawang ilog sa Itogon, Benguet na may kakayahang magbigay ng 50 milyong litro ng tubig bawat araw.
Pinagpipilian din nila ang isang ilog sa Tuba, Benguet na ayon kay Councilor Joel Alangsab ay kailangang muling ikonsidera dahil laging nahihirapan ang pamahalaang lungsod sa pakikipagnegosasyon ng mga hinaharap na proyekto sa mga kalapit na bayan.
Tutugunan ng panukala ng Manila Water ang pangangailangan sa tubig sa hinaharap ng Baguio na magiging 76 milyon litro bawat araw sa taong 2045.
Sinabi ni Lim na ipinapakita sa estatistiko ng Baguio Water District na ang kasalukuyang pangangailangan ng mga residente ng Baguio ay 54 milyon litro bawat araw, subalit ang suplay ay nasa 50 milyon na kinakailangan ng pagrarasyon ng tubig sa mga residente ng lungsod.
Sinabi niya na ang pangangailangan sa hinaharap ay matutugunan sa pamamagitan ng mga bulk water project, na sinang-ayunan ng mga opisyal ng lungsod.
Gayunman, inihayag ni City Prosecutor Elmer Sagsago ang posibilidad ng pag-ipon ng malaking volume ng tubig-ulan. “Just like now, we have received more than 300 millimeters of rain and we don’t benefit from it because we are not able to harvest it,” aniya.
Itinawag pansin niya na noong Agosto ay nakatanggap ang lungsod ng average 600mm na tubig-ulan na kung maipon, ay masisigurong hindi kukulangin ng tubig ang lungsod at hindi na kailangang kumuha ng tubig mula sa ibang mga local government unit.
Sinabi ni Public Utilities Committee chairman Benny Bomogao na bukas ang lungsod sa lahat ng posibilidad para masiguro ang suplay sa hinaharap.
Sinabi ni Bomogao na hiniling ng pamahalaang lungsod sa National Water Resources Board (NWRB) na ihinto ang drilling at excavation ng tubig dahil sa epekto nito sa aquifers at sa suplay ng Baguio Water District.
Sinabi din niya na ang ilang hotel, mga water delivery station, at iba pang mga negosyo ay humiling sa pamahalaang lungsod ng permiso upang mag-drill ng sariling suplay ng tubig.
PNA/PMCJr.-ABN
September 16, 2019
September 16, 2019
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025