Tapos na ang kontrobersiyal na Barangay at SK election. Siyempre marami pang kontrobersiya ang sumunod. Mula sa resulta ng bilangan, reaksiyon ng mga tumakbo – talunan at nanalo, reaksiyon ng mga botante lalo na ang mga walang pangalan sa listahan ng mga botante, mga hindi nakaboto sa maraming dahilan, nagampanan ng mga otoridad, pagdawit sa mga nakaupong opisyal sa illegal na suporta sa mga manok, pagtakbo ng mga nasa narco-list at nanalo, mga bilihan ng boto, takutan at ang pinakamatindi ay ang bilang ng mga namatay at sugatan. Dahil sa mga naturang eksenang… masasabi ba nating ang katatapos bang eleksiyon ay mapayapa? Bulatlatin natin.
******
Kung bakit nataguriang kontrobersiya ang katatapos na halalang pangbarangay at SK ay sa kadahilanang ilang ulit na itong iniatras. Ang matindi, muntik pang hindi natuloy. Ang ilang talamak na problema sa tuwing eleksiyon ay nangyari ulit. Nariyan ang mga botanteng halos makipag-away dahil wala raw silang pangalan sa listahan ng mga botante. Pagod na raw sila sa kaiikot sa mga presinto, pero wala talaga silang pangalan. Nauuwi tuloy sa murahan ang eksena. Ang resulta hindi na talaga sila bumoto. Meron din talagang hindi nakaboto dahil sa iba’t ibang kadahilanan. Merong sinadyang hindi bumoto gaya ni Pres. Duterte dahil mga supporter niya lahat ang tumatakbo sa Davao. Kaya upang walang masaktan sa kanila, hindi na lang siya bumoto. Meron ding hindi nakaboto dahil sa kanilang trabaho. Tanong: papaano naman ang mga bumotong nabayaran? Tsk tsk, marami raw dahil marami ang mga bumili ng boto. May mga ulat na nahuli at kakasuhan na raw. Tanong muli: may mga naparusahan na bang bumili ng boto sa mga nakalipas na mga eleksiyon sa bansa?
**********
Maliwanag sa mga pangyayari, ayon sa mga ulat ng PNP at media, hari pa rin sa tuwing halalan ang goons, guns, gold. Yan ang salot na dapat tutukan. Hangga’t nariyan yan, walang malinis at payapang eleksiyon. Ang mabigat na pagbubulgar ay ginawa ni DILG Usec Dinio kung saan, ayon sa kanya, may 100 mambabatas daw ang illegal na sumuporta sa mga tumakbo. Mahigpit na ipinagbabawal ito ng batas. Ang hinihiling na lang kay Usec ay ibulgar ang mga pangalan at ebidensiya kontra sa sinasabi niyang mga mambabatas. Ang masaklap ay kung wala siyang ebidensiya? Sus ginoo, malaking gulo ito pards pag nagkataon. Baka magpanting na naman ang teynga ni Pres. Digong at ikakasa ulit ang kanyang oplan-tanggalan. He he, parang may nasisinghot na naman kasi tayo, eh.
**********
Balik tanong tayo: mapayapa ba talaga ang nakalipas na eleksiyon? Sabi yan ng kapulisan sa likod ng ulat na mula Abril 14 hanggang Mayo 14 (election period) ay may 35 napatay at 27 sugatan (na may kinalaman sa eleksiyon) at baka may mga hindi pa nairereport na krimen. Ehemplo ng karumal-dumal na krimen ay naganap bago ang eleksiyon – pinagbabaril habang nagtatalumpati sa isang miting de avance si Ex-Congressman Eufranio Eriguel at dalawa nitong bodyguards. Patay silang tatlo. May kandidato ring pinatay sa Sultan Kudarat. Meron ding pinatay na kandidato sa Misamis Oriental at ganon din sa Bulacan na sinundan ng isa pa sa Cebu City. Suma-total – 35 ang patay na sinasabing mas mababa raw kaysa noong 2016. Tsk tsk, talaga bang naging mapayapa ang katatapos na halalan? Kayo na po ang sasagot. Adios mi amor, ciao, mabalos!
May 19, 2018
May 19, 2018
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025
April 13, 2025
April 13, 2025