Ang Hulyo 26, 2021 ay maitatalang makasaysayang araw para sa Pilipinas at sambayanang Pilipino dahil sa pagkapanalo ni Hidilyn Diaz sa 55 kg weightlifting competition sa 2020 Tokyo Olympics, nasungkit niya ang gintong medalya.
Ang panalong ginto ni Diaz ay ang kaunaunahang medalyang ginto ng Pilipinas na pumutol sa 97 taong pagkagutom mula nang sumali ang bansa sa Olympics noong 1924 na ginanap sa Paris kung saan tanging iisa lamang ang kalahok ng Pilipinas sa katauhan ni David Nepomuceno. Tunay na nasa ating mga Pilipino ang lahat ng rason upang magbunyi, magdiwang at magpasalamat sa pagkapanalong ito ni Hidilyn – isang karangalan na dapat ipagyabang.
Muling pinatunayan ni Hidilyn Diaz at ng iba pang kalahok sa Olimpiyada ang likas na katangian ng isang Pilipino na pagiging matatag at hindi sumusuko sa laban.
Na sa halos isang siglo ng paghihintay na makasungkit ng gintong medalya ay sa wakas nakuha na natin. Bukod sa karangalan, pera, regalo at mga insentibo na tatanggapin ni Diaz at iba pang manlalaro natin na mananalo ng mga medalya marahil ay mabigyan natin ng pansin ang ilang mahahalagang bagay sa likod ng tagumpay na ito ni Hidilyn.
Una si Hidilyn ay mula sa malayong probinsiya ng Mindanao at isinilang na mahirap lamang. Nangarap at sa murang edad ay nabatbat na ng pagiigib ng tubig na siyang marahil ang pinagmulan at humubog ng kaniyang lakas.
Sa interes niya sa larong weightlifting at dahil sa kakulangan ng mga moderno at nagmamahalang kagamitan ay nag-umpisa siyang hamak na nagtiyaga muna sa mga gawang-bahay na barbel na gawa sa plastik na tubo at lata.
Sinubukan niya ring maglaro ng basketball at volleyball ngunit sadyang ang weightlifting ang kaniyang tadhana. Pangalawa ay dumaan din si Hidilyn sa maraming pagsubok at kabiguan. Nakaranas ng mga pagkatalo at ilang ulit din siyang sumubok na marating ang kaniyang pangarap – ang Olympics.
Pangatlo at marahil ang pinakamatinding pagsubok ay may mga hindi naniwala sa kaniyang kakayahan at katunayan ay kulang o halos walang tulong sa kaniya habang siya’y naghahanda para sa mas malalaki pang kompetisyon, hindi naging lubos ang naging suporta ng mismong mga kinauukulan sa kaniyang paglalakbay tungo sa ginto.
Higit sa lahat na napatunayan sa panalo ay, kahit sa gitna ng pandemya hangga’t buo ang loob at marubdob ang pagnanais makamit ang tagumpay ay tiyak na mararating ito kahit pa kulang o halos walang suporta galling sa mga kinauukulan.
Hindi lamang si Hidilyn ang nakaranas ng kakulangan ng suporta, marami pa sila na gaya niya ay galing sa hikahos na pamilya at nagsariling sikap upang marating ang kanilang mga narating, subalit dahil sa kakulangan ng suporta ay naudlot at hindi na nakausad o makausad sa mas mataas pa.
May mga kaso pa na may mga pangakong pabuya at insentibo ang hindi pa naibibigay o hindi na naibigay sa mga nagwagi ng medalya. Ang napiling laro ni Hidilyn ay hindi ang mga popular na laro ng mga mayayaman kung saan binubuhusan ng suporta at pondo.
Ang kakatwa pa ay kung aling laro pa ang hindi pinapansin ay doon naman nagwawagi ang mga Pilipino. Ibig sabihin ba nito ay kailangan na nating ipihit ang hilig at interes sa mga larong hindi gaanong popular at kung saan tayo nakahihigit at malaki ang tsansang manalo?
Marahil ang gaya ni Hidilyn at iba pang atleta na pinili ang mga hindi gaanong popular na laro ay naghuhudyat ng pagbabago sa uri ng ating palakasan.
Marami pang mga kabataang Pilipino na nasa liblib na mga lugar na tunay na may pusong handang ibandila ang Pilipinas, may likas na kakayahan at talento na ipinapangalawa lamang ang bulsa at pinahihigitan ang karangalan ng bansa. Tiyak na maraming umiidolo sa ating “Queen of Weightlifting” at nais sumunod sa kaniyang yapak.
Ang bukas na katotohanan ng pagkapanalo ni Hidilyn at pagbibigay karangalan sa bansa na sa kabila ng pandemya at kawalan ng suporta mula sa mga kinauukulan ay nagawa niyang lagyan ng kauna-unahang markang ginto ang Pilipinas sa Olimpiyada ay maging paalala na sana’y bigyan ng lubos na pansin ang ating mga atleta, suportahan at pondohan upang mas dumami pa ang gintong medalya ng Pilipinas dahil sa inspirasyon ng isang Hidilyn Diaz. Ang malaking pondo sana sa palakasan ay gamitin wasto at sa karapat-dapat na kaukulan.
July 31, 2021
April 19, 2025
April 12, 2025
April 5, 2025
March 29, 2025
March 22, 2025