MARAMING DAPAT MABAGO…PAPANO?

Kung baga sa isang sanggol gumagapang pa lang si Pres. Bongbong bago matutong lumakad sa kasalukuyan.
Bagong silang ang kanyang administrasyon bagama’t hindi na siya bago sa panunungkulan. Sabi nga nila…ang pagsisimula ng lakad ay sa pamamagitan ng unang hakbang. In short…humahakbang na ngayon si Pres. BBM at
kinakailangan niya ng kaagapay at kaalalay. Tayong sambayanan ang kanyang saklay, di ba pards. Papano siya
uusad kung may mga humahatak sa kanyang mga paa paatras? Yan nga ang ating kakaliskisan mga pards sa eksenang ito ng daplis: Sa kung ilang araw pa lamang ng kanyang panunungkulan, hindi na lingid sa sambayanan ang marami nitong mga programang inilatag.

Hindi lang base sa kanyang mga programang binitawan noong bago eleksiyon kundi naidagdag na dito ang mga bagong usbong na mga suliranin ng bansa na kanyang kinahaharap. Una sa lahat ay ang parang naghahamon na pagkakataon sa West Phil. Sea kung saan may bumagsak na rocket debris ng China sa ating karagatan. Kahit pa siguro may paabiso ang Tsina sa atin bago ang launching ng kanilang rocket, hindi tinukoy kung saan banda ito babagsak. Bulong nga ng mga nagmamasid sa situasyon sa pagitan ng Tsina at Pilipinas: para yata tayong sobrang
nililiit. Sana huwag naman. May kakayanan naman tayo kung sakali bagama’t ayaw natin ng gulo dahil marami ang
madadamay.

Itong Covid-19, ayon sa DOH ay ituring na lang natin na parang lagnat o pangkaraniwang sakit upang maalis ang trauma o takot. Marami ang sang-ayon dito. Dapat ay sumunod na lang tayo sa health protocol upang malayo tayo sa naturang sakit. Ang saklap nito, hindi na lang Covid-19 virus ang ating binabantayan at iniingatan sa ngayon. Lumalala ang sipa ng Dengue sa ibat’ibang panig ng bansa. Idagdag mo pa yong bagong variant na sinasabing
may mga tinamaan na diumano sa ating bansa. Hindi lang yan, pards. Meron pang nakalusot na may tama ng
Monkeypox bagama’t nagagamot na.

Tanong tuloy ng mga mahilig mag-marites: hindi kaya ito na ang mga pahimakas na nalalapit na ang wakas ng mundo? O kaya’y tayo’y tinatapik na baka lumalayo na tayo sa ating Poon? Sabagay nga…mula nang sumulpot sa sanlibutan ang teknolohiya, marami sa atin ang nababawasan na ng pananampalataya. Na para baga mas marunong na sa Diyos.  At kung babalikan natin ang mga dinadanas nating mga kalamidad, idagdag mo na ang nangyaring lindol kamakailan…mga pagsubok na ito sa ating tatag at tinatapik na tayo upang tumingala sa Kanya. Bulong nga ng mga matitino: ang masakit kasi, sa kagagawan ng ilan, marami tayong nasasagasaan.

Pasukan na naman. Maraming estudyante ang nagbubunyi pati na mga magulang. Matagal-tagal na ring nakakulong lang at nag-oonline ang mga bata. Mas gusto nila ang face to face. Pero sa mga sinalanta ng kalamidad, apektado sila sa kakulangan ng silid-aralan. At yan ang tinutukan ngayon ng ating pamahalaan. Kapit-bisig sina Pres. Bongbong at VP Sarah sa paghahanap ng solusyon sa naturang problema. At sa tulong ng mga LGUs…nakakatiyak tayo na
maayos ang problema sa pagaaral ng ating mga anak.

Dalangin natin na wala na sanang mga kalamidad sa
hinaharap dahil panahon na naman ng tag-ulan at tag-baha. Sana, lahat ng mga ahensiyang may kinalaman ang serbisyo sa ganitong panahon ay handinghanda na. At bilang panghuli…gaya ng ating simula kanina….huwag sana nating ipagmaramot ang ating balikat kay Pres. BBM sa kalutasan ang mga problema ng ating bansa. Ito lang ang tanging paraan upang tatatag ang bigkis ng pagkakaisa at bigkis ng lahing Pilipino. Adios mi amor, ciao,
mabalos.

 

Amianan Balita Ngayon