Habang sinusulat ang espasyong ito, di pa tapos ang oral argument sa Korte Suprema hinggil sa isyu ng deklaradong Martial Law ng Duterte Administration para sa buong Mindanao. Ayon sa mga nagpetisyon, wala raw basehan ang naturang deklarasyon. Sagot naman ng mga pabor – merong basehan. Diyan nagsesentro ngayon ang kanilang balitaktakan. Wala muna kaming kumento sa ngayon. Pero kung ang nakararaming kababayan natin ang tatanungin, tiyak kanya-kanyang hatak ng buntot ang magaganap. Tiyak marami ang tutol dahil sa takot sa Martial Law noon ni Marcos. Sabi naman ng kabila – iba ang Marcos Martial Law sa kasalukuyang Duterte Martial Law. Tiyak, walang katapusan ang balitaktakang ito dahil sa sala-salabat na mga pananaw. Sabi nga nila, magrespetohan na lang tayo sa kung ano ang ating pinapanigang pananaw at panimbang.
******
Tanong: hanggang kailan kaya ang batas-militar na ito? Kung ibabase natin sa pag-amin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na mahirap sugpuin ang mga teroristang Maute-Isis sa Marawi, baka nga magtatagal pa ang Martial Law. Ang rason ng military – hindi raw sila makapag-all-out offensive dahil sa pangambang madamay ang mga inosenteng sibilyan. Kapag nangyari ito, sigurado raw na magbubumerang ito sa gobyerno. Katunayan nga, kamakailan lang, nagplano na diumano ang AFP na bombahin na ang mga mosque kung saan nagtatago ang mga Maute. Pero nagbago ang planong diskarte. Naglabas sila ng ulat na hindi na nila ito itutuloy. In short, ayon kay AFP spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla, hindi na nila bobombahin ang mga mosque na pinagdadausan ng pagsamba ng mga mananampalatayang Islam sa Marawi kahit sinasabing patuloy daw na ginagawang taguan at stronghold ng mga terorista ang mga mosque. Sa halip daw na bombahin, gagamit na lamang ang military ng ibang taktika o pamamaraan upang masawata ang mga terorista sa kanilang mga plano. Ang masakit, ayon sa mga analyst: gagalangin ang mga mosque nila, pero hindi naman nila iginalang ang simbahang Katoliko doon kung saan pinagbabasag o nanira sila ng mga imahen. Sana, sa madaling panahon, makagawa ang tropang-gobyerno ng angkop na hakbang upang matapos na ang labanan.
******
May deadline ba para sa Marawi siege? Yan ang tanong ng bayan. Mas marami ang may gusto na ito’y magwakas na sa madaling panahon dahil marami na ang nangamatay at nasirang ari-arian. Dapang-dapa na ang buod ng mga nasentro sa labanan. Pero bawi naman ng iba: kung prontalan lang sana ang labanan at nasa kabundukan, madaling matapos at tiyak ubos ang kalaban. Pero taktika-gerilya ang nangyayari. Hindi matumbok kung nasaan ang puwesto ng mga kalaban lalo pa’t marami silang snipers at parang di sila nauubusan ng bala. Ang kawawa ay mga tropa ng gobyerno. Sabagay, may ulat kamakailan na nakuha na ng military ang isang machinegun post at nakahuli pa sila ng sniper. Tiyak malaking dagok ito sa kalaban at malaki naman ang maitutulong sa panig ng AFP. Kaya naghayag ang AFP na wala nang deadline para tapusin ang paghahasik ng lagim ng Maute group. “For now, we will not set deadlines. We will ensure that we will be able to clear it of any armed element that still exists, and it may take some time,” ayon kay AFP spokeman Brig. Gen. Padilla Jr. sa Mindanao Hour. Ibig sabihin, kung ubos na ang kalaban, tapos ang giyera sa Marawi. Pero papaano kung makakapuslit mula sa Marawi ang mga terorista, tiyak na gagawa silang muli ng panibagong gulo at pakikibaka. Natural, tuloy ang giyera sa Mindanao. So, tuloy ang Martial Law, di ba? Abangan ang susunod na tsapter. Adios mi amor, ciao, mabalos!
June 18, 2017
June 18, 2017
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025
April 13, 2025
April 13, 2025