Nakita na ang epekto ng masyadong tutok ang lokal na gobyerno ng Baguio sa turismo. Noong mga nakaraang linggo ay naranasan na naman ng lungsod ang napakabigat na trapiko na hindi maikakailang isa sa malaking problema maliban sa basura ng Baguio. Sa pagbubukas kasi ng isang malaking Carnival sa may SM Baguio ay nagdagsaan ang maraming tao na may mga sariling sasakyan na sumabay sa weekend vacation ng mga tao kaya marami din ang nag-akyatan na mga bisita ang resulta sobrang sikip na trapiko. Inaasahang lalo pang bibigat ang sikip ng trapiko sa panahon ng kapaskuhan dahil sa pagdagsa ng mga bisita sa lungsod.
Hindi na nga maresolba ang mabigat na trapiko sa lungsod ay nadagdag pa ang Carnival na isang pagpapalakas daw ng turismo sa lungsod ayon kay Mayor Mauricio Domogan. Hindi naman masama na payamanin at pasiglahin natin ang lokal na turismo sa Baguio dahil karagdagang kita ng lungsod yan (at ganansiya rin ng ilan?) subalit dapat sana, sa una pa lang ay pinag-aralang mabuti ang magiging epekto nito sa problema ng trapiko. Dahil nasa sentro ng lungsod (Central Business District) ang nasabing karnabal na talaga namang isang sentro rin ng problema sa trapiko ay lalala pa ito. Maaari namang ilayo sana ang nasabing pasyalan para hindi direktang makaapekto sa sentro ng lungsod, pero siyempre inisip ng pamunuan ng nasabing karnabal at ng SM na mas kikita sila dahil mas maraming taong pumupunta sa SM na sabay mahihikayat sa nasabing karnabal.
Sobra yatang napakalakas ng dambuhalang mall sa pamunuan ng lungsod dahil lahat ng gusto nitong pagpapaunlad ng kanilang establisimiyento ay napagbibigyan kahit pa may mga ordinansa at isyu sa kapaligiran ang kanilang nasasagasaan? Wala bang pakialam at magagawa ang lokal na gobyerno ng Baguio kahit pa pribado ang lugar at kahit pa kapakanan na ng mga residente ng lungsod at kapaligiran ang naaapektuhan? Sa kabila ng mga pagtutol ng ilang grupo at maging ang sangguniang panglungsod na humingi at nanawagan ng isang pagdinig at pagsasagawa sana ng isang “public consultation” kung uubra nga ang nasabing karnabal ay walang napuntahan dahil mismong si Mayor Domogan ay sinabing hindi na kailangan ang isang “public consultation” dahil pribado nga raw na pag-aari ang lugar na pinagtayuan ng karnabal.
Mukhang napapatunayan dito na kapag malaki kang kompanya at malaki ang proyekto na malaki rin ang kikitain ay madali ka ng makalusot sa lungsod kahit pa may mga pagtutol at nasasagasaang mga batas at ordinasa ng lungsod dahil mas nanaisin ng mga namumuno sa lungsod na mas maraming turistang pupunta sa lungsod at mas malaking kita kaysa kapakanan ng nabibigatan ng lungsod. Mula sa isang Concerned Citizen
November 24, 2018
November 24, 2018
October 5, 2024
October 5, 2024
October 5, 2024
October 5, 2024
September 29, 2024