MATAAS NA DROWNING INCIDENT NAITALA TUWING SUMMER SEASON

BAGUIO CITY

Habang papalapit ang tag-init, nakaugalian na ng ilang Pilipino ang magtungo sa mga ilog, dagat, at resort upang magpalamig, subalit, kasabay ng kasiyahan ay ang patuloy na panganib ng pagkalunod na nagreresulta sa libo-libong trahedya taun-taon. Ayon sa datos ng
Philippine Statistics Authority (PSA), tinatayang nasa 3,000 hanggang 4,000 Pilipino ang nasawi dahil sa pagkalunod bawat taon. Isa ito sa mga pangunahing sanhi ng hindi inaasahang pagkamatay sa bansa, lalo na sa mga batang may edad isa hanggang 14, batay sa ulat ng World Health Organization (WHO).

Dahil dito, hindi lamang Fire Prevention Month ang ipinagdiriwang tuwing Marso kundi isa ring mahalagang paalala ang Drowning Prevention Month. Layunin nitong itaas ang kamalayan ng publiko sa mga panganib ng tubig at hikayatin ang mga hakbang sa pag-iwas sa sakuna. Noong 2018, inilunsad ng Department of Health (DOH) at iba pang ahensya ang pinaigting na kampanya laban sa pagkalunod, lalo na sa mga pamayanang malapit sa mga anyong tubig. Sa kabila nito, marami pa rin ang kulang sa kaalaman pagdating sa kaligtasan sa tubig. Isa sa mga pangunahing dahilan ng pagkalunod ay ang kawalan ng kakayahang lumangoy, lalo na sa mga kabataan.

Bukod dito, may mga kaso rin ng kapabayaan sa pagbabantay sa mga naliligo, pag-inom ng alak bago lumusong sa tubig, at biglaang panghihina ng katawan habang lumalangoy. Malaking salik din ang malakas na agos ng tubig na maaaring humila sa isang tao palayo sa
pampang. Patuloy ang DOH, Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Red Cross, at iba pang grupo sa pagpapatupad ng mga hakbang upang mabawasan ang mga insidente ng pagkalunod.

Kabilang dito ang pagbibigay ng swimming lessons sa mga bata, pagsasanay sa first aid, at pagpapatayo ng mas maraming babala sa mga delikadong bahagi ng mga anyong tubig. Sa panahon ng tag-init, mas pinaigting ang seguridad sa mga pampublikong paliguan, resort, at dalampasigan. Mahigpit na ipinatutupad ang presensya ng mga lifeguard at ang pagpapaskil ng malinaw na babala upang maiwasan ang mga sakuna at mahalaga ring hikayatin ang mga naliligo na gumamit ng life jackets kung kinakailangan.

Jeric Ivan Carbonell/UB-Intern

Amianan Balita Ngayon