Matapos ang pandemya at mga kalamidad, may silahis ng pag-asa

Editorial

Sa isang pinakahuling survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) ay lumabas na tatlo sa bawat sampu o 33% ng matatandang Pilipino ang umaasa o positibo ang pananaw na ang kalidad ng kanilang pamumuhay ay bubuti sa susunod na taon.

Nasa 45% naman sa mga tumugon sa survey ang inaasahang mananatiling pareho ang kalidad ng kanilang buhay sa susunod na taon habang 7% ang naniniwalang lalala ito.

Halos anim sa sampung matatandang Pilipino o 57% ang naniniwalang lumala ang kalidad ng kanilang buhay kumpara sa parehong panahon noong 2020, ayon sa resulta ng survey ng SWS noong Oktubre 26, 2021.

Sa kabilang banda, itinaas ng mga ekonomista ang growth forecasts para sa pangunahing mga bansa ng Southeast Asia sa 2022, tulak ng nauugnay sa halalan na paggastos sa Pilipinas at ang muling pagbubukas ng turismo.

Ang gross domestic product para sa limang pinakamalaking miyembro ng Association of Southeast Asian Nations – Indonesia, Malaysia, ang Pilipinas, Singapore at Thailand – ay tataas ng 5.1% sa 2022, ayon sa pinakahuling quarterly survey ng Japan Center for Economic Research at Nikkei.

Ang pigura ay sumasalamin sa isang 0.1 percentage point upward revision mula sa nakaraang survey.

Ang survey ay tumanggap ng mga tugon mula sa 38 economists at analysts at isinagawa sa pagitan ng Nobyembre 19 at Disyembre 13, sa panahon kung saan ang unang kaso ng omicron coronavirus variant ay kinumpirma.

Ang 2022 GDP growth forecast para sa Pilipinas ay narebisa mula 6.6% sa 7.1% – isang pagtaas mula sa 2021 projection ng 5.1% na inupgrade din mula 4.3%.

Ipinatutungkol ng mga ekonomista ang pagtaas na rebisyon sa pababang mga kaso ng Covid-19 at pagtaas ng mga ekspektasyon para sa tataas na paggastos bago ang eleksiyon sa pagka-Pangulo sa Mayo 2022.

Tunay na ang taong 2021 ay mahirap pa rin sa ating mga Pilipino dahil sa patuloy pa rin ang banta ng Covid-19 at pandemyang dulot nito.

Dumagdag pa ang ilang mga kalamidad at sakuna, ang pinakahuli ang labis na pinsala ng bagyong Odette sa kabisayaan na sumira sa maraming bahay at ari-arian, kumitil ng daang buhay gayundin sumugat sa daang tao pa. Bilyon-bilyong halaga ng pinsala sa agrikultura at imprastruktura ang iniwan nito.

Sa gitna ng ganitong mga pagsubok ay marami tayong napatunayan. Lumalabas sa ating mga Pilipino ang likas na pagiging matulungin at madamayin kahit pa magkakalayo at isinasantabi muna ang mga personal na pagkabaha-bahagi dulot ng napipintong halalan.

Napatunayan natin na walang tao na isang pulo. Muli ang mga pagsubok ay nagbigay ng silahis ng pag-asa, dahil tayong mga Pilipino ay punong-puno nito. Kasama ang pananampalataya ay lalong mangingibabaw ang ating katatagan sa anumang pagsubok na muling gumambala.

Ang positibong pananaw ng mga ekonomista ay patunay din na kayang-kaya nating bumangon at umahon sa pagkakadapa at pagkalunod basta’t nagdadamayan, puno ng pag-asa at hindi bumibitaw sa pananalig sa Diyos.

Sa maraming taon, nagbabala ang mga eksperto sa panganib ng isang pandemya. Hindi kailanman nangyari ang pandemya, hanggang nangyari nga ito. Sa maraming taon, nagbabala ang mga siyentipiko ng isang kapaha-pahamak na pagbabago sa klima na magpakailanman babago ng buhay sa ibabaw ng mundo.

Ang hadlang upang hindi mangyari iyon ay lubhang bubuti kung, sa panahong ito, ang mga Pilipino at mga namumuno ay magbigay atensiyon sa agham at kumilos sa mga aral na natutunan nila.

Dahil sinabi ng Diyos sa Roma 5: 3-4 na, “At hindi lamang gayon, kundi lumuluwalhati din tayo sa mga pagdurusa: nalalaman na ang pagdurusa ay gumagawa ng pasensya; at pasensya, karanasan; at karanasan, pag-asa.