SIMULA sa a-25 ng buwang kasalukuyan, titindi ng husto ang labanan, bagay na atin ng inasahan Enero pa lamang. Kung ngayon ay lalanghaplanghap na lang si covid, kung kayat nasa LOW RISK na ang buong bansa, patuloy pa rin ang lampas 2 taon ng pakikibaka sa tinamanang pandemyang matindi ang hagupit sa buhay at kabuhayan.
Ngayon naman, patuloy nating binabantayan pa si covid. Totoo nga, ayon sa mga numerong linggohan na lamang ang paghahayag na si covid ay humina na ang pwersa upang makapagdulot ng ibayong hirap at sakit, hindi lamang sa publikong pang-kalusugan, kundi pati na sa ekonomiyang lumagapak sa kumonoy. Sa katunayan, lahat ng numero ay bagsak, bagay na ikinatutuwa ng karamihan, lalo na ang mga ekonomistang hangarin ay mabuksan ng tuluyan ang mga sektor ng pag-gawa.
Ngunit, habang si covid ay aalialigid lamang, mayroon na namang nakababahalang anunsyo ang W.H.O. Isang panibagong variant na naman ang namataang sumasalanta sa ilang bahagi ng Europa. Ang inisyal na ngalan at Deltacron — parang anak ng Delta na grabe ang epekto sa sangkatauhan nitong Oktubre hanggang Enero nitong taon at ng Omicron na sumipa naman nitong Pebrero.
Ngunit, batay na rin sa mga pag-aaaral, tila walang gaanong masamang dulot ang Deltacron, kaya sa ngayon ay walang dapat na ikabahala at ipangamba. Tuloy ang ligaya, ika nga. Tuloy ang pagbubukas ng mga naisarang mga negosyong 2 taong singkad na bagsak sa pusali.
Ngunit, teka, hindi ba isang matinding dagok na naman ang biglang linggo-linggo ay pagsipa sa presyo ng langis. Nitong Martes lamang, isang malakihang “one time, big-time” ang nangyari, parang sipa ng kabayong nagpalugmok sa mga motorist, pribado man o publiko. Pati mga mangingisda at magsasaka ay sakop sa delubyo ng presyo.
Sige, huwag na nating lubhang pansinin si covid, at baka magising bigla ay parang tsunami na naman ang reaksyon ng isang bayang lugami na sa pighati. Isipin na lamang natin kung paano natin lalabanan ang walang puknat na pagbulusok ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Ayuda ba ang kasagutan na alam naman natin ay panandalian lamang ang ginhawa? Suspensyon ba ng excise tax at VAT ang higit na epektibong solusyon? Pag-balasa ba sa Oil Deregulation Law ang nararapat upang mabigyan ng konting proteksyon ang lahat?
Sa isang iglap, ang kalaban ay hindi na si covid-19, bagama’t patuloy pa rin ang laban na higit pa sa dalawang taon ang pinagdaanan. Pagmamahal na ang ating ikinukunsumi, ang walang puknat na lingguhang pagmahal sa presyo ng krudo at gasoline at maging gas na gamit sa lutuan. Sa isang kisap-mata, biglang bulag na sunudsunuran sa ikot ng kamalayan ang presyo ng mga bilihin — pagkain, bagay-bagay, at iba pang pangangailangan sa araw-araw.
Ganito ang mga imaheng bumabasag sa bawat araw na ang mga Pinoy ay ibinabaon sa kahirapang mabuhay dahil lamang sa sobrang langit na pagmamahal.
Sa madaling salita, itinutugma lamang ng ngayong panahon ang isinisigaw ng kasaysayan, na ang Pinoy ay nilulugmok ng pagmamahal, anuman ang panahon. Suko sa langit ang ngitngit natin, at hindi maintindihan ang nagdudumilat na katotohanan.
Dahil sa UK, humilagpos ang pagmamahal. Hindi ito ang nakagawian nating UK sa mga tyenda at night market. Ito ang bansang Ukraine na halos dalawang linggo ng nilulusob ng bansang Russia. Buong pwersa ay ginamit mapaluhod lamang sa pagkaalipin ang isang malayang bayan na ngayon ay simbolo ng katapangan at kabayanihan, hindi lamang ang mga sundalo, kundi maging ang mga sibilyang napagitna sa larangan ng digmaan.
Biglaan, humulagpos ang presyo ng krudo bawat bariles, lampas $130 na, kung kayat, nang sumingasing ang mga kanyon, napuruhan ang mga bansang walang produktong petrolyo. Sa isang bahin, trangkaso ang kapalit, habang si covid 19 ay aanghap-anghap na lamang.
Hindi magtatagal, mga kilos-protesta ng mga lubhang masama ang tama ang aasahan sa paningin ng ilan ay sala ng iilan — lalo na raw ang mga higanteng kumpanya ng langis, at maging ang mga gasolinahan na kahit lumang stock na nabili sa dating presyo ay ibebenta sa bagong presyo ng walang kakurap-kurap.
Sige na, iprotesta na, hayaang dumanak ang pawis sa kalsada sa tigil pasada upang maramdaman naman na dapat ay mas masigasig, epektibo, at napapanahong tugon ang dapat na gawin ng mabilisan ang pamahalaang tila lugmok na rin sa laban kontra covid.
Sige, kilos protesta ang mga tinamaan ng dagok at sakit dulot ng pagmamahal. Ang mga pumapasadang pampublikong sasakyan ay may planong tigilpasada na kanilang sagot sa mga pangyayaring lahat ay biktima ng isang laban dahil din sa pagmamahal: ang mga makabayang bansang tulad ng Ukraine, ang mga mapag imbot na pagsalakay ng isang bansang hayagan at walang pagkukunwaring niyuyurakan ang iba.
Nakakahinagpis ang ginagawang pagharap ng mga sibilyan upang harangin ang pagdaan ng mga tangke. Nakakabingi ang kanilang pagdaing,
“Umuwi na kayo sa inyong bayan,” ani ng mga sibilyang taas ang dalawang kamay na tanda ng kanilang armas laban sa mga makabagong ripple ng mga Ruso.
Kaya, kung mahal natin ang ating mga sarili at pamilya, pakiusap: sa mga hindi pa bakunado ng kahit isang dosage man lamang, dahil sa maling paniniwala, tuloy pa rin ang bakunahan. Malayo ang agwat ng mga bakunado sa mga nakapag-booster shot na. Iba talaga ang bakunado na, boosted ka pa.
O, pare at mare, hayaan na muna ang mga Marites at Maricon at Mariposa. Magpabakuna na, isama na rin ang mga tsikiting edad 5-16, sabaysabay na kayong magpa-turok. Sayang naman ang buhay na sa isang iglap, dahil walang proteksyong dulot ng bakuna, ay maglaho, at ang katawang nasawi ay hindi man lamang mapaglamayan.
Sa ngayon, isang bagay lamang an gating atupagin. Mag-tiis, mag-dildil, at magsumikap na walisin ang natatagong barya-barya sa ilalim ng kama.
March 21, 2022
October 5, 2024
October 5, 2024
October 5, 2024
October 5, 2024
September 29, 2024