Mayor nilinaw ang isyu sa suspensiyon ng klase

LUNGSOD NG BAGUIO – Nakiusap si Mayor Benjamin Magalong sa mga residente na unawain kung bakit walang agarang deklarasyon ng suspensiyon ng klase sa kasagsagan ng mahina at katamtamang pagulan sa lungsod o kung walang storm signal na inilalabas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) dahil kinakailangang suriin ng mga kinauukulang opisina ang technical data sa umiiral na kalagayan ng panahon bago gumawa ng nararapat na mga pahayag.

Binigyang-diin ni mayor na may mga alituntunin at regulasyon na isinaalang-alang sa pagdeklara ng suspensiyon ng mga klase, lalo na kung may storm signal na inilabas sa ilang lugar, subalit nasa diskresyon ng punong ehekutibo na magdeklara ng suspensiyon ng klase kung walang storm signal sa gitna ng kasagsagan ng tuloy-tuloy na pag-ulan.

Sa ilalim ng establisadong mga alituntunin at regulasyon, kung Storm Signal No.1 ang inilabas ay awtomatikong suspendidio ang mga klase sa pre-school at kindergarten; kung Storm Signal No.2 ay suspendido ang mga klase sa high school, elementary, kindergarten at pre-school; at sa Signal No.3 ang klase sa lahat ng antas, kabilang ang trabaho sa mga opisina ng gobyerno ay awtomatikong suspendido.

“We cannot afford to sacrifice the education of our children because of unnecessary declaration of suspension of classes when it is still possible for them to go to school with the prevalence of light to moderate rains,” pagdiriin ni Mayor Magalong.

Ipinaliwanag niya na sa panahon ng laganap at matagal na pag-ulan ng malakas ay magdedeklara siya ng suspensiyon ng klase sa ilang antas sa oras o bago 11:00 ng gabi ngunit kung umiiral ang mahina at katantamang pag-ulan ay kailangan pa niyang pag-aralan ang technical data bago magkaroon ng akmang deklarasyon alas-4:00 ng umaga.

Aniya, kung wala siyang pahayag na ilalabas, maging ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), ibig sabihin ay walang deklarasyon ng suspensiyon ng klase sa lungsod, kaya ang mga bata at mag-aaral ay kailangang pumasok upang hindi lumiban sa klase.

Gayunman, binigyan-diin niya na diskresyon pa rin ng mga magulang kung papapasukin nila ang kanilang mga anak kahit walang deklarasyon ng suspensiyon ng klase dahil magiging pananagutan pa rin nila ang kaligtasan ng kanilang mga anak sa kasagsagan ng masamang panahon sa lungsod.

Sinabi niya na ang deklarasyon ng suspensiyon ng mga klase ay kailangang suportado ng isang technical data, kaya lagi niyang sinisiguro na magkakaroon siya ng pagbabasehan sa ibang mga weather application na gagabay sa kaniya kung anong antas ang sususpendihin dahil ito ay hindi naman nagdedepende sa simpleng pakiramdam lamang.

Tiniyak ni Magalong na kailangang bigyang-kapangyarihan ang mga personnel ng CDRRMO para makagawa sila ng tamang desisyon sa pagkakaroon ng mga rekomendasyon sa pagsuspende ng klase at iba pang aspeto ng disaster risk management sa oras na hinihingi ito sa hinaharap.

Nanawagan siya sa mga residente na laging maging alerto, lalo na sa panahon ng monsoon season, upang masiguro ang kanilang kaligtasan sa kasagsagan ng tuloy-tuloy na pag-ulan ng malakas na iiral sa lungsod sa inaasahang pananalakay ng enhanced southwest monsoon sa susunod na buwan.

DAS-PIO/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon