Mga kababaihang Mabalasik: may Tapang, Integridad at Katapatan

Editorial

Sa mahigit isang siglo, ang tanyag na Philippine Military Academy (PMA) ay nagsisilbing lugar ng sanayan at paghubog sa mga libo-libong magiging opisyal at pinuno ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.

Ang mga lalaking ito ay nakipagbaka ng buong tapang sa mga digmaan at nagsilbi sa gobyerno bilang mga unang bantay ng kapayapaan at tagapagtanggol ng mga ordinaryong mamamayan.

Simula’t-sapul nang maitatag ang Philippine Military Academy noong 1905 ay naging institusyon ito para lamang sa mga lalaki. Hanggang taong 1993, makasaysayang taon para sa PMA nang binuksan ng akademiya ang pintuan nito para sa mga kababaihang nais maging opisyal at magsilbi sa bayan.

Ito ay alinsunod sa Republic Act 7192 o ang “Women in Development and Nation Building Act” kung saan ang mga unang nagtapos na mga babaeng kadete ay kaanib ng “Kalasag-Lahi” Class 1997.

Itong Mayo 26, 2019, ang pagtatapos ng mga kadete sa pangunahing paaralan para sa magiging mga opisyal ng militar ay maituturing na namang makasaysayan dahil muli ay pinatunayan ng mga kababaihan na maaari din silang mangibabaw sa isang intsitusyon na matagal na panahon nang dominante ng mga kalalakihan – babae ang nanguna at apat pa ang pumasok sa sampung pinakamagaling.

Magtatapos si Cadet First Class Dionne Mae Apolog Umalla, 22 taong gulang na tubong Alilem, Ilocos Sur at anak ng isang retiradong guro na una (valedictorian) sa mga 262 kaklase o mistah ng PMA Mabalasik (“Mandirigma ng Bayan, iaalay ang sarili, Lakas at Tapang, Para sa Kapayapaan”) Class 2019.

Tatanggap si Umalla ng 14 special awards kabilang ang Presidential Saber. Panglima na si Umalla na nanguna sa klase matapos buksan ang akademiya sa mga kababaihan.

Taong 1999, si Arlene de la Cruz ang kauna-unahang babaeng kadete na nanguna sa klase, sumunod si Tara Jaime Velazco noong 2003 at Andrelee Mojica noong 2007.

Kinilala rin si Leah Lorenzo na nagtapos bilang summa cum laude noong 1997 at Christine Mae Naungayan Calima ng Gabay-Laya Class 2016.

Ang apat pang babaing kadete na kabilang sa Top 10 ay sina Jahziel Gumapac Tandoc mula La Trinidad, Benguet (3rd); Marnel Dinihay Fundales ng Legales, Iloilo (7th); Glun Elinor Buansi Marapao ng Buguias, Benguet (8th); at Ruth Angelique Ricardo Pasos ng Pinagbuhatan, Pasig City (9th).

Ang karangalang pagkilala sa kababaihan dahil sa pangunguna sa kanilang klase sa PMA ay matagal na at halos inaasahan, sa kabila ng teritoryo ito ng kalalakihan.

Pinatunayan nila ang kanilang katatagan at katapangan at ipinakita nilang pantay sila sa kalalakihan pagdating sa isinulat na pagsusulit, pisikal at neuropsychiatric na pagsusuri, at pre-qualification na panayam.

Ang pagkakaiba lamang ay ang karagdagang dalawang (2) pulgada sa tangkad para sa mga aplikanteng lalake.

Habang ilang lalaking kadete ay tinitingnan pa ring mas mahinang kasarian ang mga babae ay pinatunayan ng mga kababaihang kadete na mali sila at pinanindigang kasing-husay o baka higit pa sila.

Sa ngayon, mula 1997 ay umabot na 747 babaeng kadete ang nagtapos sa PMA, na sa kabila ng limitadong bilang ng tinatanggap na babae sa akademiya ay napakalaking porsiyento ng bilang ang mga nagtatapos na babae.

Tunay nga na ang pagtatapos ng PMA Mabalasik Class 2019 sa Mayo 26 ay isang na namang matagumpay na pangyayari para sa kababaihan, dahil matapos ang unang pagtatapos ng orihinal na pitong babaeng kadete ay lalo pang tumingkad at napatunayan ang kakayahan ng kababaihan na manguna sa klase at makipagsabayan sa mundo ng mga kalalakihan sa akademiya.

Sapat na ang malalakas na babae sa mundo; kailangan natin ng mapagmahal na mga babae. Sapat na ang magagaslaw na babae; kailangan natin ng mga babaeng mabait.

Sapat na ang mga walang-galang na babae; kailangan natin ng mga babaeng pino. Sapat na ang mga babaeng bantog at mayaman; kailangan natin ng mga babaeng may pananampalataya. Sapat na ang kasakiman; kailangan natin ng higit na kabutihan. Sapat na ang kayabangan; kailangan natin ng kabutihan.

Sapat na ang katanyagan; kailangan natin ng higit na kadalisayan. Sa lumalabong kaibhang ito ng babae sa lalaki, nawawala sa atin ang magkakaiba ngunit magkakatugmang kaloob ng babae at lalaki na kung pagsasamahin ay lilikha ng mas magandang kabuuan.

Higit pa rito, mahihinuha natin na ang mundong ating ginagalawan ay sadyang ‘di pantay. Ganito man ang kinalakihan nating kaugalian ngunit may pamimilian tayo — maari tayong gumawa ng bagay na sa tingin natin ay makakaangat sa atin sarili at sa ibang tao.

Hindi dahil lalaki ka ay nililimitahan mo ang sarili mo sa mga “panlalaking” gawain at hindi dahil babae ka ay hindi ka na gagawa ng “pambabaeng” gawain. Lakasan lang natin ang ating loob at tiyak walang sinuman ang makakapigil sa ating nais makamtan sa buhay, babae man o lalaki – na may Tapang, Integridad at Katapatan.

 

PMCJr.