Mga kandidato sa Baguio, dumagsa sa Comelec

LUNGSOD NG BAGUIO – Mistulang nagsisimula na ang bakbakan sa pulitika para sa mga nagnanais na masungkit ang boto ng mamamayan sa halalan sa 2019 sa pagbubukas ng paghahain ng certificates of candidacy (COCs) noong Oktubre 11, 2018.
Ilan sa mga maagang nagsumite ng COC sa unang araw ng filing ay ang mga pambato ng Liberal Party sa pangunguna ni dating Baguio Rep. Nicasio Aliping Jr. na umaasa na muling makuha ang pwesto ng pagiging kongresman. Kasama nito si dating city councilor at ngayon ay inaasam ang posisyong pagka-mayor na si Jose
Molintas. Nagpila ang mga ito ng candidacy sa unang oras sa pagbubukas ng tanggapan ng Commission on Elections
(Comelec) dito sa lungsod nang 8am.
Ngunit anim lamang ang naghain ng COC sa ilalim ng naturang partido: incumbent councilors Mylen Yaranon at
Arthur Alad-iw; ang bumabalik sa pagkakonsehal na sina Richard Cariño at Isabelo Cosalan; lawyer Ronald Perez at
rookie Vic Jimenez.
Matapos ang tatlong oras, dumating ang Partido Demokratiko ng Pilipinas (PDP) kasama ang mga tagasuporta sa
suot na kulay asul at puti na pinangungunahan ni incumbent rep. Marquez Go na umaasam ng ikalawang termino, si Vice Mayor Edison Bilog na naghahangad sa pwesto ng pagka-mayor, at incumbent councilor Faustino
Olowan na nais maging vice mayor.
Puno ang talaan ng kandidato ng PDP na kompleto ang 12 miyembro ng konseho sa pangunguna nina incumbent
councilors Elaine Sembrano at Joel Alangsab; ang nais magbalik na konsehal Philian Weygan-Allan; barangay chairman Thomas Dumalti at dating barangay kagawad Grace Mayos; local opera singer John Gaerlan, Pastor John Bagalawis, lawyer Zosimo Abratique, events coordinator Pamela Bomogao at disc jockey Rico John Ferrer.
Sinabi ni Baguio Comelec Supervisor John Paul Martin na hinihintay nila ang iba pang partido gaya ng grupo ni
incumbent mayor Mauricio Domogan na nasa ikatlo at panghuling termino at inaasahang pupuntiryahin ang
pwesto ng pagka-kongresista sa ilalim ng Timpuyog ti Baguio kasama sina incumbent councilor Edgar Avila para sa pagka-mayor at Elmer Datuin sa pagka-bise mayor.
Sinabi ni Avila na ang kanilang partido ay maghahain ng kanilang COCs sa Oktubre 17, ang huling araw ng filing ng COC.
Inaasahan din ng Comelec na ang mga independent bets gaya ni councilor Leandro Yangot ay susunod sa paghahain ng COC sa mga darating na araw.
Hinihintay naman na magsumite rin ng kaniyang COC si dating PNP Deputy Director for Administration Benjamin
Magalong na hinihikayat na tumakbo sa pagka-mayor bilang independent candidate.
Samantala, ang adoption advocate at social activist na si Arthur Dimagilas, 39, na nangangarap na makuha ang isa
sa 14 na pwesto ng Baguio City council ang pinakaunang naghain ng kanyang COC noong Oktubre 11.
Ipinangako nito na isusulong ang mga lokal na panukalang nabigong talakayin ng mga kasalukuyan at dating
opisyal ng Baguio.
Sa lalawigan ng Benguet ay kinumpirma ni election supervisor Elenita Tabangin-Capuyan na walang naghain ng COC sa unang araw ng filing.
Si dating Benguet governor Nestor Fongwan, na tatakbo sa pagka-kongresman ay sinasabing sa huling araw
magsusumite ng COC habang si Itogon Mayor Victorio Palangdan na usap-usapang tatapatan sa pagka-kongresman si Fongwan ay inaasahang maghahain ng COC anumang araw bago matapos ang Oktubre 17. May ulat: ACE ALEGRE / ABN

Amianan Balita Ngayon