Mga kritiko hindi na gets ang tunay na panawagan ni Digong

Binatikos ni Senadora Imee Marcos ang lahat ng kritiko ni Pangulong Duterte sa isinagawa nitong State of the Nation Address (SONA) na nagbibingi-bingihan at manhid sa malinaw na panawagan ng pagbabago sa Pilipinas.
“Napakalinaw ng pahayag ng ating Pangulo sa kanyang SONA: Magbago o tuluyan nang maglaho! Siya ang mangunguna sa pagbabago laban sa napakaraming mga virus na namemerwisyo sa ating bansa – Covid-19, lahat ng uri ng korapsyon, criminal syndicates, at mga sinauna at makapangyarihang oligarkiya,” paliwanag ni Marcos.
“Totoo na sa bawat krisis, lumilikha ito ng oportunidad. Dapat ang pandemyang ito ang magbigay sa atin ng pagkakataon para tuluyan nang mawalis ang mga bulok, at magamot ang sakit ng ating bansa at pagkalooban tayo ng magandang dahilan at lakas para tanggalin ang oligarkong mapang-api, at maiproseso ang tuluyang pagbabago sa Pilipinas. Sama-sama tayong kumilos, magtrabaho at isalba ang ating bansa!” ayon kay Marcos.
Binatikos ni Marcos ang reklamo ng mga kritiko ng Pangulo na umanoy kulang ang SONA sa tinatawag na roadmap to recovery, gayundin sa pagkanti sa mga oligarkong palpak ang serbisyo ng public utilities gaya ng telecom, kuryente at tubig, kasabay ng patuloy na pamamayagpag sa mga katiwalian o korapsyon, at talamak na ilegal na bentahan ng droga dahilan para manawagan siya na ibalik ang death penalty.
“Marami ang pumuna sa kawalan ng pinalawak na planong pang-ekonomiya sa SONA ng pangulo. Pero kung hahanapin lang ang mga masalimuot na pagtalakay sa micro-economics, talagang hindi kaagad ito mapapansin. Ang mga espisipikong mga panukalang batas na inaapela niya sa kongreso na ipasa ay bahagi ng roadmap sa recovery ng bansa na matagal na pinoproseso bago pa man mag-lockdown,” sabi pa ni Marcos.
Mismong si Marcos ang may akda o co-sponsor sa ilang panukalang batas na binanggit ni Pangulong Duterte sa kanyang SONA – pagbuo ng medical reserve corps, pagkakaroon ng FISTCS (Financial Institutions Strategic Transfer Corporations) para makatulong na kumita ang gobyerno sa pagbebenta ng mga non-performing state at pribadong assets nito, pag-aalok ng pautang na walang interes sa mga MSMEs sa mga bangko ng gobyerno, pagbawas ng corporate taxes para makahikayat ng mas maraming foreign investments, pagtatayo ng disaster management agency, at pagkakaroon ng trust fund para sa mga coconut farmers.
Nagbabala si Marcos na mayroon na lang dalawang taon ang mapangahas at matapang na pamumuno ni Pangulong Duterte para magkaisa ang lahat.
“Trabaho ng mga economic manager at lehislatura na sabay-sabay na ayusin ang mga detalye ng mga epektibong proteksyon ng lipunan, tunay na healthcare modernization gayundin ang mabilisan at universal na economic recovery,” dagdag pa ni Marcos. (30)

ON OUR WAY HOME

SINUNOG

Amianan Balita Ngayon