LUNGSOD NG BAGUIO – Arestado ang tatlong kabataan kasama ang apat na menor de edad sa salang pag-transport ng marijuana na nagkakahalaga ng P2.88M Linggo ng gabi.
Kinilala ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Cordillera information officer Rosel Sarmiento ang tatlong kabataan na sina Ariston Antonio, edad 18; Stacey Gerodiaz, edad 18, lalake, ng Tarlac; at Daniel Bagnas Villalubos, edad 18, ng Botolan, Zambales. Tatlo sa apat na menor de edad ay edad 16 at ang isa ay edad 17.
Nahuli sa kanila ang 27 larya ng tuyong dahon ng marijuana at dalawang tuyong marijuana fruiting tops in tubular form. Ginanap ang operasyon sa Slaughter bus terminal sa Barangay Sto. Niño sa siyudad na ito bandang alas 10:10 ng gabi noong Linggo, Hulyo 28, 2019.
Hinarang ng mga operatiba sa nasabing bus terminal mula sa tip ng mga indibidwal ang isang bus na dumating galing Bontoc, Mountain Province.
Ayon kay Sarmiento, ang mga nasabing menor de edad ay na-rescue at dinala sa kustodya ng PDEA-Cordillera.
“They [minors] are currently housed at the PDEA” (sila [ang mga menor de edad] ay kasalukuyang nasa kanlungan ng PDEA), ani Sarmiento.
Sinabi din niya na naabisuhan na ang mga magulang ng mga nasabing menor de edad at sila ay nakarating na sa Baguio para tingnan ang kanilang mga anak.
Ayon kay Sarmiento, ang mga nasabing menor de edad ay makakasuhan at hihintayin ng Department of Justice ang magiging disposisyon sa kanilang kaso, kung may “discernment” noong kanilang ginawa ang krimen.
Sinabi rin ni Sarmiento na maraming turistang galing Metro Manila na may dalang marijuana at bumiyahe sa rehiyon, ang naaresto noong mga nakaraang araw-pito sa Ifugao at dalawa naman sa Kalinga.
Aniya, nagsasagawa sila ng isang pagsisiyasat upang matukoy kung ang mga turista ay bahagi ng sindikato na nagbabayad sa mga kabataan para bumisita sa Cordillera at magbitbit ng marijuana pabalik sa Metro Manila.
Dionisio Dennis Jr.-PNA/MDR-ABN
August 5, 2019
August 5, 2019
May 3, 2025
May 3, 2025
May 3, 2025