Mga mamamahayag ay “frontliners” din sa anumang laban

Ang pagiging isang peryodista o mamamahayag ay hindi madaling trabaho. Hindi ito naging isang walang-hirap at walang problemang propesyon. Nakakarating ang mga peryodista kahit saan upang maiulat ang sensitibo at kontrobersiyal na mga isyu sa interes ng publiko.
Nakikita nila minsan ang mga sarili nila na personal na nauugnay sa mga istoryang sinusubaybayan at trinatrabaho nila at sukdulang manganib ang kanilang sarili na maapektuhan sa tindi ng pagod at pagkabalisa.
Ayon sa pagsasaliksik, ang papel ng isang reporter ng isang pahayagan ay ika-anim na pinakanakaka-stress na trabaho sa mundo.
Ilang daan o libo na ba na mga mamamahayag ang namatay sa ngalan ng trabaho? Sa Pilipinas ay hinding-hindi malilimutan ang nakaririmarim na trahedya ng “ Maguindanao Massacre” o Ampatuan Massacre” kung saan 58 katao ang inilibing kabilang ang 34 mamamahayag sa iisang libingan.
Mga bomba at bala, mga palakol at itak – kung ikaw ay isang reporter at nasa “frontline” ang tsansa na makaharap ang isang taong may hawak ng isang sandata na nakamamatay ay mataas.
Mula sa pagkamatay sa ligaw na bala hanggang sa puntirya ng mga atake at pagpatay, ang pagiging isang mamamahayag sa isang lugar ng digmaan o bansang ayaw sa media ay nagsasapanganib sa buhay.
Habang ang takot ay sumasabay sa pag-alon ng alikabok sa pagsabog, buong tapang nilang hinaharap hindi lamang ang posibilidad na malumpo sila kundi ang hindi na kailanman makikita muli ang kanilang mga pamilya.
Ito ay dahil kailangang malaman ng mundo ang katotohanan. Ito ay dahil kailangan gawin ng isang tao ang madugong trabaho. Ito ay dahil minsan walang pagpipilian kundi harapin ang iyong mga takot at sa paggawa nito ay binabatak ang mga hibla ng pag-asa, manawagan sa mga kakampi, at magbigay kapanatagan sa mga taong hindi maihayag at maipaliwanag ang kanilang kaligaligan.
Ngunit ang katapangang ito ay kumuha na ng maraming buhay sa mga nagdaang taon. Sa tala ng Committee to Protect Journalists (CPJ) sa mga biktima ng digmaan, nasa kabuuang 1,290 mamamahayag ang namatay sa pagitan ng 1992 at 2018. 164 na peryodista sa listahang ito ay napatay sa mga nagdaang taon habang nasa mapanganib na trabaho, habang 58 ang nawawala.
Tiningnan ng CPJ kapwa ang freelance at staff journalists na namatay sa panahon o dahil sa kanilang mga trabaho. Ang dahilan ng kanilang kamatayan ay kabilang ang pagpatay, namatay sa ligaw na bala sa pagitan nga mga nag-aaway na grupo at mapanganib na trabaho.
Ang bilang na ito ng mga mamamahayag na napatay sa linya ng trabaho mula 1992 hanggang 2018. Ayon sa 2018 World Press Freedom Index na nilikom ng Reporters Without Borders (RSF), ang pagpuntiryang atake at karahasan sa mga manggagawa ng media at peryodista ay tumataas.
Inilalathala ng taunan ng RSF mula pa noong 2002, ang World Press Freedom Index ay sinusukat ang antas ng media freedom sa 180 bansa. Maliban sa kinamumuhian ng mga diktador na gobyerno, kinahaharap ng mga propesyunal na mamamahayag ang maraming hamon sa pagbibigay ng tama at tapat na balita sa publiko.
Sa kasalukuyan ay may panibagong hamon sa mga mamamahayag – kailangang maibigay ang tamang ulat hinggil sa banta ng COVID-19, dahil kung walang pamamamahayag, hindi makakaya ng sangkatauhan na tugunan ang malalaking pandaigdigang mga hamon.
Ang coronavirus ay isang walang kahalintulad na banta, at ang mga mamamahayag ay naroon at isinaalang-alang ang kanilang kaligtasan upang maibigay sa atin ang mga impormasyon at tumulong na makipagbuno sa mabilis na paglala ng pandemya.
Nakakalungkot na may mga pagkakataon na ginagamit ng mga otoridad ang krisis bilang rason upang sikilin ang mga kritikong pamamahayag. Bawat mamamahayag ay isang coronavirus na peryodista at kailangang siguruhin ng gobyerno na pahintulutan ang mga mamamahayag na gawin ang kanilang mga trabaho ng ligtas at walang takot na mabalikan sa panahon ng krisis sa pampublikong kalusugan.
Dahil bilang mga tunay na mamamahayag, sila rin ay mga “frontliner”, mga taong tinatablan din – nangangailan ng proteksiyon, respeto, pag-intindi at ayuda lalo na ang maliliit na peryodista sa mga probinsiya.

Amianan Balita Ngayon