LUNGSOD NG BAGUIO – Inaprubahan ng konseho ng lungsod ang isang resolusyong humihikayat at nagpapa-alala sa lahat ng pribadong ospital sa lungsod na huwag tanggihang gamutin ang sinumang pasyenteng kumakatok sa kanilang pintuan o emergency rooms, lalo na sa panahon ng extended enhanced community quarantine.
Ang resolusyon ay iniakda ng lahat ng miyembro ng lehislaturang panglungsod na nagsasabi na may isang ulat na isang Jayson Patrick Reyes ang diumano’y namatay sa Baguio General Hospital and Medical Ceneter (BGHMC) matapos hindi umano nabigyan ng karampatang atensiyong medikal at suporta ng dalawang beses mula sa isang pribadong ospital sa lungsod.
Dagdag pa sa resolusyon na sa pagdami ng mga pasyente na maaaring persons under investigation (PUIs) o persons under monitoring (PUMs) sa lungsod dahil sa patuloy na pagdaluyong ng bilang ng confirmed coronavirus disease (COVID) 19, hindi ito dapat gawing palusot ng mga ospital upang hindi tanggapin ang sinumang nangangailangan ng medikal na atensiyon.
Nauna dito ay binigyan diin ni Senator Christopher Lawrence Go, chairman ng Senate committee on health ang pagsunod ng health sector sa bansa sa mga probisyon ng Republic Act (RA) 1-032 dahil sa mga insidente sa ilang lugar sa bansa kasama ang isang pasyente na umano’y namatay matapos tanggihan ng anim na ospital sa Cabanatuan City.
Ang RA 10932 o ang Anti-Hospital Deposit Law ay nagdedeklarang labag sa batas para sa isang ospital o medical clinic na tanggihang gamutin at suportahan ang sinumang pasyente na dumarating sa kanilang pintuan o emergency room ng mga ospital sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Binigyan-diin sa resolusyon na mahalaga sa bawat ospital na sumunod sa kanilang mandato na pagsilbihan ang sinuman at tumugon sa mga requirements na huwag tanggihang gamutin at suportahan ang sinuman at paalalahanan sila na maaari silang maparusahan kung hindi nila ito gagawin.
Mabibigyan ng mga kopya ng aprubadong resolusyon ang mga miyembro ng Boeard of Directors at management ng iba’t-ibang ospital sa lungsod at gayundin malawakang mailalathala sa pamamagitan ng media upang hikayatin ang mga residente na igiit ang kanilang karapatan na mabigyan ng karampatang medical na panggagamot.
Itinatakda ng resolusyon ang karapatan sa kalusugan ay isa sa mga pangunahing karapatan na dapat matupad ng gobyerno sa pamamagitan ng isang sistema sa kalusugan na magsisiguro sa tao na maging kapaki-pakinabang alinsunod sa matandang kaabihan na ang kalusugan ay kayamanan (health is wealth).
Sa kasalukuyan ay may apat na pribadong ospital at isang ospital ng gobyerno sa lungsod habang may isang pribadong ospital at isang ospital ng gobyerno sa kalapit bayan na La Trinidad, Benguet.
Gayunman, mayroon din ang Philippine Military Academy (PMA) station hospital na nagsisilbi sa pangangailang medical at pang-kalusugan ng mga kadete at personnel ng nangungunang military school sa Asya.
Inihayag ng mga mambabatas ng lungsod ang kanilang positibong pananaw na susunod ang board at management ng iba’t-ibang pribadong ospital sa lungsod sa diwa ng inaprubahang resolusyon upang maiwasan ang katulad na mga insidente na magreresulta sa pagkawala ng buhay na nangangailangan ng serbisyong pangkalusugan.
DAS-PIO/PMCJr.-ABN
May 2, 2020
May 10, 2025
May 10, 2025
May 10, 2025