Mga residente ng Baguio sinabihang maglinis(Dahil sa pag taas ng mga kaso ng Dengue)

LUNGSOD NG BAGUIO – Pinaalalahanan ni Mayor Benjamin Magalong ang lahat ng barangay officials dito na magsagawa ng lingguhang aktibidad sa paglilinis upang mahadlangan ang mga lamok sa pamumugad kung saan naitala ang limang-ulit na pagtaas ng mga kaso ng dengue mula Enero hanggang Agosto ngayong taon.
Sa isang medisa interview noong Lunes ay sinabi ni Magalong na inutusan na niya ang mga opisyal ng mga barangay na agad pakilusin ang kanilang Barangay Anti-Dengue Brigade (BADB) at sumunod sa Anti-Dengue Ordinance ng lungsod na hinihingi ang regular na aktibidad sa paglilinis.
Sinabi ng Mayor na inulat ng City Health Services Office (HSO) na may 671 mga kaso ng dengue mula Enero hanggang Agosto 6 ngayong taon, kumpara sa 123 kaso sa parehong panahon ng nakaraang taon.
Iniulat din ng HSO ang pitong namatay dahil sa dengue.
“We have to do continuous clean-up activities, it should become a part of our regular schedule because it is the
only way that mosquitoes will not live among us,” aniya.
Nauna dito ay nag-isyu si Magalong ng Executive Order No. 94-2001 na nag-uutos sa lahat ng barangay officials na utusan, tagubilinan at alalayan ang lahat ng sambahayan at negosyo sa loob ng kanil-kanilang hurisdiksiyon para sa pagsasagawa ng araw-araw na paghahanap at pagsira ng mga pamugaran ng lamok.
Sa 128 barangay ng lungsod, nakita ng HSO ang clustering ng mga kaso ng dengue sa 32 barangay mula Hulyo hanggang Agosto ngayong taon.
(LA-PNA/PMCJr.-ABN)

Amianan Balita Ngayon