Milyong papremyo sa MMK, dapat samantalahin – BFAR

LUNGSOD NG LAOAG, ILOCOS NORTE – Hinimok ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa pamamagitan ng Provincial Fisheries Division ang mga bayan at lungsod sa lalawigan na malapit sa mga baybayin na sumali sa “Malinis at Masaganang Karagatan” (MMK) ngayong taon.
Sinabi ni Roy Gonzales, hepe ng Ilocos Norte Fisheries Division, na isa itong pagkakataon para sa mga komunidad na umaasa sa pangingisda na manalo ng milyon-milyong halaga ng papremyo.
Aniya, ang MMK ay isa sa mga bagong kategorya na sinimulan ng BFAR upang kilalanin ang mga natatanging pagpupunyagi at mga gawi sa mga lugar na malapit sa baybayin upang mapangalagaan at maprotektahan ang kapaligirang pandagat at para sa isang sustainable fisheries development.
Sinabi ni Gonzales na dapat pahalagahan ng mga lokal na namumuno sa gobyerno at mga mamamayan ang mga lugar na baybayin at ang marine ecosystem.
Kabilang sa criteria ng nasabing kompetisyon ang kawalan ng ilegal na pangingisda, pagsunod sa closed fishing season, pagkakaroon ng marine protected areas, malinis na tubig-dagat na walang anumang dumi mula sa mga kabahayan o dulot ng industriya, at epektibong mangrove protection and rehabilitation program.
“In the form of livelihood projects, first place winner will receive P30 million, second place is P18 million, and third place will be awarded P10 million,” ani Gonzales.
Sa pamamagitan ng mas pinalakas na pagpapatupad ng mga batas sa pangisdaan batay sa coastal resources management plan, ang lumalagong anti-plastic advocacy, at nagpapatuloy na pagtatanim ng mangroves ng parehong pribado at gobyerno ay tumaas ang nakakalap na isda sa Ilocos Norte, ayon sa Provincial Fisheries Office. Leilanie Adriano, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon