Minimum wage sa Baguio, nadagdagan

Tataas sa P320 ang pinakamababang sahod ng mga namamasukan sa lungsod simula Agosto 20, 2018.
Ito ay matapos na ilabas ng Cordillera Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang Wage Order 19 na nagbibigay ng dagdag na P20 sa mga empleyado na kumikita ng minimum wage sa lungsod.
Ito ay nangangahulugang P320 na ang pinakamababang suweldo na matatanggap ng mga minimum wage workers sa lungsod. Kabilang ito sa bawat araw na pagtaas ng P5.82 sa iba pang mga benepisyo ng bawat empleyado.
Ayon kay RTWPB chairman at Department of Labor and Employment (DOLE) Regional Director Exequiel Ronie Guzman sa isang pagtitipon, aprubado na noong Hulyo 31, 2018 ng National Wage Commission ang nasabing pagtaas ng minimum wage hindi lamang sa lungsod kundi maging sa iba pang rehiyon.
Dagdag pa niya, ang halaga ng pagtaas ay nakabase sa interes ng mga empleyado, ang kabuuang kapasidad ng isang negosyo sa pagbibigay ng sahod at maging ang pakikipagsabayan sa mga iba pang rehiyon sa bansa pagdating sa pasahod.
Aniya, isinaalang-alang din nila ang estado ng pamumuhay ng mga tinatawag na nasa “poverty line” sa rehiyon. Dahil ayon sa Philippine Statistics Office, P298 ang kinakailangan upang matustusan ang araw-araw na pangangailangan ng isang pamilyang mayroong limang katao.
Inaasahan namang 57,000 ang pinakamababang bilang na mga empleyado sa rehiyon ang mabibiyayaan ng dagdag sahod. Sakop nito ang mga manggagawang nasa pribadong sektor. Ngunit hindi kasama rito ang mga kasambahay o nagbibigay ng personal na serbisyo sa ibang tao alinsunod sa Batas Kasambahay o Republic Act (RA) 10361, at maging ang mga maliliit na negosyo na mayroong mga papel na pirmado ng Department of Trade and Industry alinsunod naman sa RA 9178 o ang Barangay Micro Business Act of 2002. BREN ANTONETTE C. EMBESAN, UC INTERN / ABN

Amianan Balita Ngayon