Miyembro ng Acetylene Gang, arestado

BAGUIO CITY – Isang miyembro ng Acetylene Gang na sangkot sa robbery ang muling nadakip ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group-Cordillera (CIDG-CAR) sa kanyang bahay sa Barangay San Luis, sa siyudad na ito.

Kinilala ni CIDG-CAR regional director Melvin Napiloy ang nadakip na si Allyson Ngina Aligan, 24, tubong Patiakan, Quirino, Ilocos Sur. Nadakip si Aligan noong Miyerkules, Hulyo 10, 2019 sa bisa ng warrant of arrest sa kasong Robbery na inisyu ni Judge Rodolfo B Dizon, ng Branch 18, Regional Trial Court, Ilagan, Isabela.

Ayon kay Napiloy, si Aligan ay una nang nadakip ng mga CIDG detective sa kanyang bahay sa Ilocos Sur sa bisa ng arrest warrant sa kasong Robbery na inisyu ni Judge Ophelia G. Sulluen, OICC Legal Researcher II ng RTC Branch 90 sa Dasmarinas, Cavite na walang piyansa noong Pebrero 11, 2019.

Labis na pinuri ni Napiloy ang kanyang mga tauhan sa patuloy na kampanya at operasyon laban sa mga Wanted Persons, lalo na sa mga konektado sa criminal gangs.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon