“MR. R. IBASAN, PERGALAN KING NG PANGASINAN”

Nagngangalang “Mr. R. Ibasan” ang tinaguriang “Pergalan King” ng Pangasinan. Kung si Mr. T, ang “Pergalan King” ng La Union ay walang pakundangang nagooperate ng mga peryahang may sugalan sa Tubao, Agoo, Rosario, Sto. Tomas, Burgos at San Juan, si Mr. R Ibasan nama’y walang tinag na nagpapasugal naman sa mga bayan ng Alaminos, Bugallon, Sta Barbara, Malasiqui, Mangaldan, San Jacinto, Manaoag, Bani, siyudad ng Urdaneta at iba pang bayan ng Pangasinan.

Nagpapalipat-lipat lamang sa anim na distrito ng Pangasinan ang operasyon ni Mr. R Ibasan dahil diumano’y matibay ang sandalan nito sa Philippine National Police Pangasinan provincial office. Hindi rin matibag ang protector ni Mr. R Ibasan sa Pangasinan provincial governor’s office. Apatnapu’t apat ang bayan ng Pangasinan at 4 na syudad. Malayang nakapagpapasugal si Mr. R Ibasan allyear-round sa lahat ng mga lokasyong ito dahil sa
nakabisado na niya ang sistemang pamimili sa mga otoridad na dapat humahabol sa mga iligalidad.

Napakatagal nang nagooperate ng mga pergalan si Mr. R. Ibasan sa buong Pangasinan. Maari nang iboto itong Mayor, Congressman o dili kaya’y Governor sa milyon-milyong naipon mula sa mamamayang bukod sa lugmok sa kahirapa’y, nalulong na sa pangangati sa “baka sakaling swertehin at makabawi”. Ngunit ganitong pag-iisip ng “swerte o baka sakali” ba ang pinapayagang mamayani sa isipan ng mga taga-Pangasinan ng mga namumuno? Tiyak, hindi sinususugan ni Gov. Ramon Guico III at iba pang mga opisyal ng Pangasinan ang kalakaran ni Mr. R. Ibasan.
O, sumuko na ba si Governor at mga opisyal sa probinsya na magpatupad ng tama para sa kapakanan ng mamamayan doon?

Amianan Balita Ngayon