NAGNAKAW SA HOTEL, NAHULOG MULA SA 6TH FLOOR, PATAY

BAGUIO CITY – Pagnanakaw ang lumitaw na motibo ng isang lalaki na aksidenteng nahulog mula sa ika-anim na palapag ng hotel sa may Legarda Road habang kasagsagan ng habagat noong Hulyo 30.
Sa imbestigasyon ng Baguio City Police Office Station 5, nakatanggap sila ng tawag mula kay Security Guard Peter Esteras,ng Crown Legacy Hotel, dakong alas 5:30 ng umaga na may nakabulagtang lalaking patay sa likuran ng gusali, na nahulog mula sa ikaanim na palapag ng hotel.
Ayon Kay Esteras, nagreport sa kanya ang isang guest ng hotel na nagising sa ingay ng suspek na pumasok sa kanyang kuwarto at tinangay ang mahahalagang kagamitan. Nakita umano ang suspek na lumabas sa bintana at ng sinundan nito ang suspek para silipin sa bintana ay nahulog ang suspek.
Nakita din ang suot na tsinelas ng suspek mula sa veranda na kinahulugan nito. Nabawi ng pulisya ang mga cellphone at pera mula sa
suspek.
Ayon sa Station 5 Chief Capt. Bob Stephen Pagurigan, nakilala ang suspek na si Marvin Rivera Dacanay, 26, residente ng Aringay La Union, matapos magtungo sa kanilang tanggapan ang ina nito na si Helen Rivera Dacanay, 53, ng Purok 24 San Carlos Heights, Baguio
City.
Zaldy Comanda

Amianan Balita Ngayon