KAPIHAN SA BAGUIO – on the Department of Health Cordillera Administrative Region, DOH-CAR, Month of June Health Celebrations and Updates with DOH-CAR and BGHMC Partners. Panelists: from (R-L) Ms. Ma. Cecilia C. Agpawa on National no Smoking Month, Dr. Virginia B. Pangati on National Kidney Month, Dr. Mary Gay B. Buliyat on Prostate Cancer Awareness Month, Dr. Glaiza P. Ranges on Dengue Awareness Month, and Ms. Geeny Anne I. Austria Update on the Notifiable Diseases in the Region., Wednesday, June 11 held at RTC, DOH-CAR Bldg. Baguio City.
Jimmy Ceralde / ABN
Sa paggunita ng National Kidney Month 2025, na may temang “Bato ay Alagaan, Buhay ay Ipaglaban,” tinalakay ni Dr. Virginia B. Mangati, Medical Specialist III at head ng Adult Nephrology Section ng Department of Internal Medicine sa BGHMC, ang kahalagahan ng pangangalaga sa bato sa isinagawang health forum noong Hunyo 11 na pinangunahan ng DOH–CAR. Ipinaalala ni Dr. Mangati ang tungkulin ng bato sa katawan. Kabilang dito ang pagsasala ng dugo upang alisin ang sobrang tubig, asin, at mga kemikal na maaaring makalason. Tinutulungan din ng bato na balansehin ang mga ito para makontrol ang blood pressure.
Bukod pa rito, gumagawa ito ng mahahalagang sangkap tulad ng erythropoietin, na tumutulong sa paggawa ng pulang dugo; renin, na tumutulong sa pag-regulate ng blood pressure; at calcitriol, ang aktibong anyo ng Vitamin D na nagpapatibay ng mga buto. Ipinaliwanag niya na ang Chronic Kidney Disease (CKD) ay ang unti-unti at pangmatagalang paghina ng kidney function, na sa ngayon ay wala pa ring natutuklasang lunas. Tinatayang 1 sa bawat 10 tao sa buong mundo ang may CKD. Sa Asya, ang pagkalaganap ay nasa pagitan ng 7.0% hanggang 34.3%, habang sa Pilipinas ito ay nasa 11.2%. Batay sa populasyong 115.6 milyon, humigit-kumulang 12.94 milyong Pilipino ang apektado ng iba’t ibang stage ng CKD.
Ayon sa datos, may isang Pilipino kada oras na nagkakaroon ng chronic renal failure, o humigit-kumulang 120 kada milyong populasyon bawat taon. Mula Setyembre 2022 hanggang Hulyo 2023, umabot sa 49,715 ang bilang ng mga pasyenteng sumasailalim sa hemodialysis (HD), at 319 naman ang nasa peritoneal dialysis (PD), ayon sa Philippine Renal Disease Registry ng DOH. Binigyang-diin ni Dr. Mangati ang mga risk factors na nagpapataas ng tsansang magkaroon ng CKD. Kabilang dito ang high blood pressure, diabetes, family history ng kidney disease, obesity, cardiovascular disease, at paninigarilyo. Mataas din ang risk para sa mga may edad 60 pataas.
Maaari ring magdulot ng CKD ang ilang kondisyon tulad ng lupus, CAKUT (Congenital Anomaly of the Kidney and Urinary Tract), chronic urinary tract infections, at kidney stones. Pinaalalahanan din ang publiko sa panganib ng matagalang paggamit ng NSAIDs at iba pang gamot na maaaring makasira sa bato. Ayon pa sa kanya, ilan sa mga sintomas ng CKD ay manas, tea-colored o pulang ihi, malabo o mabahong ihi, madalas o madalang na pag-ihi, mataas na BP, lagnat, hirap sa pag-ihi, pananakit ng tiyan, pamumutla, at pagbagal ng paglaki o pagtangkad sa mga bata.
Nagbahagi rin si Dr. Mangati ng mga simpleng hakbang upang mapanatiling malusog ang bato lalo na para sa mga kabataan. Kabilang dito ang pag-inom ng sapat na tubig araw-araw, pagkain ng balanse at iwas sa sobrang alat o tamis, regular na pag-ehersisyo, pagpapabakuna, at pagiging malinis sa katawan. Mahalaga rin ang hindi pagpigil ng ihi, regular na pagdumi, at pagpapasuri ng ihi kung nirerekomenda ng doktor. Sa pamamagitan ng ganitong kampanya, layunin ng DOH-CAR na mapalawak pa ang kaalaman ng publiko sa kahalagahan ng kidney health at hikayatin ang maagang pag-iingat upang maiwasan ang malulubhang komplikasyon.
Nickhole Gutierrez/UC-Intern
June 14, 2025
June 14, 2025
June 14, 2025
June 14, 2025
June 14, 2025
June 1, 2025