“New norms” sa operasyon ng mga negosyo tinitingnan

LUNGSOD NG BAGUIO – Inaprubahan ng konseho ng lungsod sa ikalawang pagbasa at para sa paglalathala ng isang panukalang ordinansa na nagtatakda ng “new norms of operations” sa lahat ng negosyo, pasilidad sa transportasyon, lugar ng trabaho, paaralan at pampublikong lugar sa lungsod hanggat ang umiiral na enhanced community quarantine sa buong Luzon ay naaalis na.
Ang ordinansa na iniakda ng lahat ng miyembro ng konseho ay isinasaad na magiging deklaradong polisiya ng pamahalaang lungsod na iutos sa lahat ng pasilidad ng transportasyon, establisimiyento sa negosyo, paaralan, lugar ng trabaho at pampublikong lugar na sundin at ipatupad ang health norms sa kanilang mga opisina, pasilidad at establisimiyento bilang istratehiya upang mahadlangan ang paglaganap ng COVID-19 lalo na ang etiketa sa pag-ubo, hindi pagsura sa pampublikong transportasyon, araw-araw na paglilinis at disinfection at pagbukas ng mga bintana para sa mabuting bentilasyon.
Sa ilalim ng panukalang ordinansa, lahat ng transportation facilities, business establishments, schools, work places at public places ay magpapaskil ng mga signages sa kanilang lugar ukol sa nasabing new norms of operations na iiral sa lungsod.
Itinatakda ng ordinansa na ang hindi pagtugon ng mga opisina ng gobyerno sa mga kaugnay na probisyon ng panukalang hakbang ay sasailalim sa mga probisyon ng Article 114(b) ng Implementing Rules and Regulations ng Republic Act (RA) 7160 o ang Local Government Code kung saan nakasaad na sinumang pampublikong opisyal o empleyado na lalabag sa ordinansa ay mapaparusahan ng administrative disciplinary action, na walang pagtatangi sa pagpila ng kaukulang civil o criminal na aksiyon.
Sa kabilang banda ang mga pribadong institusyon na hindi tutugon sa mga probisyon ng ordinansa ay magmumulta ng PhP5, 000 bawat paglabag. Inuutusan ng ordinansa ang lahat ng ahensiya at opisina sa lungsod, paaralan, negosyo, lugar ng trabaho at pampublikong lugar na magpaskil ng new norms sa kanilang mga opisina.
Inatasan ng ordinansa ang Information Office ng City Council at opisina ng City Mayor na gawin ang pinakamalawak na pamamahagi ng panukalang hakbang.
Isa pa, hiniling ng ordinansa sa lahat ng media outfits sa lungsod na tumulong sa pamamahagi ng new norms na nalikha bilang isa sa mga preventive measures upang maiwasan ang mabilis na pagkalat ng nakamamatay na coronavirus disease (COVID-19) sa lungsod.
Itinatalaga ng ordinansa ang City Health Office,ang Baguio City Police Office at ang Public Order and Safety Division, Permits and Licensing Division ng Office of the City Mayor na mananagot sa implementasyon ng nasabing ordinansa.
Tinitiyak ng ordinansa na ang pagtratrabaho at paghilom na sama-sama ay nananawagan sa lahat na makialam sa epektibo at mahusay na pagtugon sa pandaigdigang pandemya kaya mariing inirerekomenda ng health department at iba pang mga eksperto sa kalusugan ang pagkakaroon ng new norms sa lipunan na karagdagan sa mahigpit na implementasyon ng physical distancing at pagsusuot ng mascara.
Nauna ng nagbigay ang World Health Organization (WHO) ng ilang rekomendasyon para sa isang post-lockdown scenario.
DAS-PIO/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon