“NO PLASTIC BAG, NO STYROFOAM” IPINAPATUPAD NA SA BAGUIO

BAGUIO CITY

Ipinapatupad ngayon ng city government ang patakarang “No Plastic Bag, No Styrofoam” sa siyudad ng Baguio, na nagsimula noong Mayo 20. Ang patakarang ito ay ipatutupad sa mga pampublikong pamilihan, negosyo, paaralan, at opisina ng pamahalaang lungsod, kabilang na ang mga kaganapan at pagtitipon na pinangangasiwaan ng gobyerno.
Sa ilalim ng patakarang ito, ipinagbabawal sa mga establisyemento ang pagbibigay sa mga customer ng plastik na bag, sando bag, o polystyrene foam na lalagyan para sa mga biniling produkto o paghahain ng pagkain o inumin,
takeout man o dine-in.

Hinikayat silang lumipat sa paggamit ng mga paper bag o mga lalagyan. Mariing isinusulong ng pamahalaang lungsod ang paggamit ng eco-friendly na bag para sa mga tuyong paninda. Bukod dito, pinapaalalahanan ang mga
customer na maaari nilang dalhin ang kanilang sariling mga lalagyan para sa isda at basang paninda upang masigurado ang maayos na paglipat sa bagong patakaran.

Ang mga establisyementong walang valid na business permit ay papatawan ng mga sumusunod na parusa: reprimand o agarang pagpapasara sa unang paglabag na ang multa ay P1,000; sa ikalawang paglabag ay P3,000 at walong oras ng community service at sa ikatlong paglabag ay P5,000 kasama ang anim na buwang suspensyon ng business permit sa ikaapat na paglabag. Ang mga pinuno ng opisina ng pamahalaang lungsod, administrador ng paaralan, punong-guro, at iba pang mga indibidwal na nasa awtoridad na lumabag sa alinmang probisyon ay papatawan din ng parusa.

Aaron Chance/UC-Intern

Amianan Balita Ngayon