Nuezca, Sino ang mga Padrino?

Naniniwala si Senador Imee Marcos na posibleng may mga ‘padrino’ o protektor sa loob at labas ng serbisyo ang police sergeant na namaril at nakapatay sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac. Sinabi pa ni Marcos na hindi rin malayong regular na ‘hitman’ ang suspek na si Staff Sergeant Jonel Montales Nuezca.
“Sino ang mga padrino nito? Malinaw na sanay na sanay mamaril at manakit ang pulis ng mga tao na parang target practice lang, gamit ang kanyang service firearm,” ani Marcos.
Lumitaw sa police record ni Nuezca ang pagkakasangkot niya nitong nakaraang taon sa dalawang homicide case na nadismis o nabasura lang. Nasuspinde rin siya sa pagtangging sumailalim sa drug test noong 2014 at nasampahan din ng grave misconduct noong 2013 at serious neglect of duty noong 2016 sa kabiguang maging testigo ng prosekusyon sa isang kaso ng droga, ngunit nabasura ang dalawang kasong ito.
“Otomatikong dapat isamang imbestigahan ang kanyang mga pinuno ayon na rin sa Republic Act 8551,” ayon kay Marcos, na tumukoy na layunin ng batas na ireporma at balasahin ang Philippine
National Police (PNP). “Kailangang amyendahan at bigyang ngipin ang Republic Act 8551. Malinaw na may mga butas o pagkukulang sa pyschological at drug tests ng mga tauhan ng pulisya, at sa periodic na pagrepaso o rebyu sa kanilang mga pag-uugali, ” paliwanag ni Marcos.
Giit ni Marcos ang malakas na ‘padrino at frat system’ ay tinatalo lang ang pagsisikap ng PNP mula pa 2018 na iwasan ang mga impluwensya o mga pinapaboran sa recruitment ng pulis sa pamamagitan ng RONMEDDS (Robust, Neuro- Psychiatric, Medical and Dental System) program.
Pinaalala ni Marcos na inilagay ang RONMEDDS program na nagbibigay ng bar codes sa pag-proseso ng mga regional health services para matigil ang pagbili sa resulta nito ng mga political sponsors at mga kaklase ng mga police recruits at personnel. (30)

Amianan Balita Ngayon