ONLINE SELLER NG ATM CARDS, ARESTADO SA LUNGSOD NG BAGUIO

BAGUIO CITY

Isang 25- anyos na babae ang inaresto matapos mahuling nagbebenta ng ATM cards online, na sinasabing ginagamit sa malawakang
panloloko at digital fraud sa buong bansa. Kinilala ang suspek sa alyas na “Angie,” na umano’y nag-aalok ng ATM cards sa social media.
Nadakip ang suspek sa isinagawang entrapment operation ng Cordillera Anti-Cybercrime Unit sa siyudad ng Baguio, noong Hunyo 16.
Ayon sa pulisya, ang pagbebenta ng ATM cards ay hindi simpleng kalakal. Ginagamit ito ng mga sindikato upang itago ang kanilang
identidad sa online scams at money laundering. Nilabag ng suspek ang Republic Act 12010 o Anti-Financial Account Scamming Act at RA 10175 o Cybercrime Prevention Act, ayon sa ulat ng Police Regional Office – Cordillera.

Dagdag pa ng mga awtoridad, posibleng may paglabag din sa SIM Registration Act (RA 11934) kung sangkot ang mga e-wallet o SIM cards sa aktibidad ng suspek. Nagbabala ang PNP- Anti-Cybercrime Group na kahit hindi scammer ang nagbebenta ng account, ito ay itinuturing pa ring kasabwat sa krimen at magkapareho ang parusang inaasahan sa batas. “Ang simpleng bentahan ng armas sa mundo ng
cybercrime. Nagsisimula ito sa maliliit pero may malaking epekto,” ayon sa pahayag ni ni PBGen.Bernard Yang, director ng PNP- ACG.
Nanawagan ang mga awtoridad sa publiko na huwag ipahiram, ibenta o gawing negosyo ang kanilang ATM, e-wallet o SIM accounts upang maiwasan ang pagkakasangkot sa krimen. Patuloy ang imbestigasyon kung may iba pang kasabwat si “Angie.” Target ngayon ng pulisya ang mga sindikatong nasa likod ng online trade ng financial access tools.

Jhomel Keith Nuezca/UC-Intern

Amianan Balita Ngayon