Pinaratangan ng isang transport group si Department of Transportation and Railways (DOTR)-Cordillera assistant regional director Mohammad Nasser Abbas na tumanggap ng pera mula sa kanila kapalit ng pagbibigay nito ng mga transport franchise.
Diumano ay nilinlang ni Abbas ang mga miyembro ng Cruz, Alapang, Bahong, Alno Cooperative Operators and Drivers Association Inc. (Cabacoda) sa pamamagitan ng pangangako ng mga transport franchise sa kanilang Toyota FX Asian Utility Vehicles (AUVs) kapag nagbayad ang grupo na ire-remit nito sa DOTr national office.
Sa kasalukuyan ay nananatiling tahimik ang panig ni Abbas tungkol sa naturang paratang.
Sa isang tatlong pahinang affidavit nina Anthony M. Polido, Fidel B. Carbonel Jr., Ian C. Palaci, Jon M. Polido, Leonida S. Abatchi, Noel F. Cheng, Anaydos E. Apolinario at Eliezer A. Pasigon ay isinaad na nangako si Abbas noong 2017 na mag-iisyu ng transport franchises para sa kanilang Tamaraw FX AUVs upang magsilbing garage service kapalit ng perang binayaran ng grupo. Ngunit hanggang ngayon ay wala pa silang natatanggap na franchise.
Noong Abril 2017, ang Cabacoda ay nabuo bilang garage shuttle services at may operasyon sa Cruz, La Trinidad, Benguet.
Dalawa sa mga miyembro ng Cabacoda, sina Frank at Lawrence Amistoso, diumano ang nagsabi sa ibang miyembro na ang kanilang kamag-anak, isang nagngangalang Jonathan Patnugot o “Jojo”, ay malapit na assistant ni Abbas at maaari nitong iharap sa opisyal upang matulungan silang makakuha ng transport franchise.
Si “Jojo” diumano ay nakipagkita sa grupo at pagkatapos ay nakipagkita kay Abbas sa Land Transportation Office building sa Pacdal, Baguio City noong Hunyo 2017.
Diumano ay hawak na ni Abbas ang certificates of registration at official receipts ng mga sasakyan ng grupo at iba pang supporting documents na nauna nilang ibinigay kay “Jojo” bilang bahagi ng kanilang transport franchise application.
Dagdag ng complainants na diumano ay nangako si Abbas na mag-iisyu ito ng transport franchises at sinabi umano nitong sila ang mauunang mabibigyan.
Sinigurado diumano ng DOTr official na aayusin nito ang pag-isyu ng kanilang franchise kapalit ng processing fees na babayaran sa DOTr Central Office dahil isa siyang opisyal ng DOTr-CAR, kahit na ang Toyota Tamaraw FX AUVs ay hindi na tinatanggap ng LTFRB na maging garage service vehicles.
Ayon pa rin sa mga nagreklamo, sinabihan sila na ang mga processing fee ay idedeposito sa bank account ng DOTR central office. Ilan sa mga miyembro ang siningil ng P15,000 habang ang iba ay pinagbayad ng P10,000.
Hindi bababa sa 15 na miyembro ng Cabacoda ang nagbayad ng P15,000 bawat isa at 15 pang miyembro ang nagbayad ng P10,000 bawat isa.
Matapos nilang makapagbayad ay nalaman ng grupo ang tungkol sa Omnibus Franchising Guidelines na nagsasaad na hindi na sila maaaring makakuha ng transport franchise dahil sa lumang modelo ng Toyota FX AUVs nila na hindi nakasunod sa Euro4 engine requirement at iba pang standards.
Noong November 2017, ang grupo diumano ay sinabihan ni “Jojo” na maglalabas ng “temporary special permits” si Abbas na magagamit nila upang legal na mapatakbo ang kanilang shuttle garage service habang hindi pa naibibigay ang ipinangako nitong mga transport franchise, ngunit kailangan nilang magbayad ng P5,000 para sa special permit.
Ang naturang special permit, ayon sa complainants, ay mistula lamang isang letter request mula sa Cabacoda Inc. para kay Abbas, kahit na may nakalagay na logo at pangalan ng DOTr at nakalagay sa malalaking letra ang “temporary special permit” na may lagda ni Abbas.
Nauna nang kinapanayam ng mga imbestigador ng DOTr ang complainants. A.ALEGRE / ABN
May 8, 2018
May 8, 2018
May 3, 2025
May 3, 2025
May 3, 2025