Opisyal ng pulis, pinagbabaril patay

CAMP DANGWA, LA TRINIDAD, BENGUET – Isang pulis na opisyal na nakatalaga sa Highway Patrol Group ng Philippine National Police ang pinagbabaril sa harap mismo ng kanyang bahay sa Barangay Eyeb, Poblacion, Bontoc, sa lalawigan ng Mountain Province noong gabi ng Abril 2, 2017.

Nakilala ang biktima na si Chief Inspector Benjamin Falangon Challoy, 40 anyos at tubong Bontoc sa lalawigan ng Mt.Province.
Ayon sa imbestigasyon ng Bontoc police, naganap ang pamamaril sa biktima dakong 9:46 ng gabi noong Abril 2, 2017 sa harap mismo ng kanyang bahay.

Sa pahayag ni Clifton Fumakil Padcayan, kapitbahay ng biktima, nakarinig umano siya ng tatlong putok ng baril at nang dumungaw siya sa kanilang bahay ay nakita niya ang tatlong lalaki na tumatakbo patungo sa gawing tahanan ng mga Tudlong at agad na nakatakas ang mga ito.

Dinala agad sa pagamutan ang biktima subalit binawian ito ng binawian ng buhay bago pa man dumating sa Bontoc General Hospital. Tatlong bala ng Cal.45 na baril ang tumama sa biktima.

Narekober naman ng mga imbestigador ang anim na kapsula ng bala mula sa pinangyarihan ng pamamaril.
Sinisiyasat naman ngayon ng kapulisan ang motibo at pagkakakilanlan ng mga suspek. ABN

Amianan Balita Ngayon