P136-M SHABU NASAMSAM SA BAGUIO CITY BUY-BUST

BAGUIO CITY

Apat na katao, kabilang ang isang pulis, ang nasakote at nahulihan ng mahigit sa 20,000 gramo ng hinihinalang shabu, na
nagkakahalagang P136 milyon sa isinagawang buy-bust operation ng magkasanib na operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency sa may Barangay Dontogan, Baguio City, noong Marso 25. Ayon kay PDEA-Cordillera Regional Director Derrick Arnold C Carreon, isa sa mga suspek ay active uniformed officer, na nakatalaga sa Baguio City Police Office, habang ang tatlo pa ay mga sibilyan, na pawang matagal ng sinusubaybayan sa ilalim ng COPLAN Keystone.

Naganap ang drug bust operation dakong alas 11:02 ng umaga sa may 205A South China Sea Green Valley Subdivision Barangay
Dontogan, Baguio City. Nakumpiska ng mga awtoridad ang humigit-kumulang 20 kilo ng sealed plastic packaging; isang 9mm Pistol; mga identification card at isang sasakyan. Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 (Selling of Dangerous Drugs), at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) Article II ng Republic Act 9165.

Kaugnay, sinabi naman ni City Director Col.Ruel Tagel, na ang pag-aresto sa isang opisyal ng pulis kaugnay ng kasong ito ay hindi natitinag ang pangako ng PNP sa paglilinis at pagtataguyod ng pinakamataas na pamantayan ng integridad sa loob ng puwersa ng pulisya.
Aniya, ang BCPO ay mananatiling matatag sa paninindigan laban sa mga ilegal na aktibidad sa loob ng hanay nito, regular na
nagpapatupad ng Police Information and Continuing Education (PICE), pagsasagawa ng random drug testing, at pagpapatupad ng
sertipikasyon ng hindi pagkakasangkot sa mga ilegal na aktibidad.

“Hindi kukunsintihin ng BCPO ang mga ilegal na aktibidad sa loob ng aming hanay. Nananatili kaming determinado sa aming dedikasyon sa pagtiyak na mananagot ang mga lumalabag sa batas. Ang operasyong ito ay naghahatid ng malinaw na mensahe ng aming determinasyon na itaguyod ang tiwala ng publiko at palakasin ang propesyonalismo ng ating kapulisan.”

ZC/AAD/ABN

Amianan Balita Ngayon