P20/K BIGAS… BAKA PANAGINIP NA LANG DAW

Di pa rin bumibitaw si Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa kanyang pangarap na magkakaroon ng
P20/Kilong bigas sa hinaharap. Daplis ng marami: baka panaginip na lang daw ito. Una, ayon sa mga magsasaka mismo…mahal ang gastusin sa paghahanda ng sakahan. Idagdag pa ang mahal na presyo ng insektisidyo at abuno. Ayuda naman ng mga super-praktikal na pananaw – pwede yan kung lahat ng lupa ay magiging pataniman na lang ng palay.

Maryusep! Habang nag-eespadahan ang sala-salabat na mga pilosospiya hinggil sa bigas, iba iba din ang mga kuro-kuro sa mga eksena sa West Phil. Sea dahil sa Tsina. Dumarami na ang mga kakampi ng Pilipinas sa ating paninindigang ipagtanggol ang ating karapatan sa ating teritoryo. Hindi lang Australia, Estados Unidos, Japan, kundi may mga bansa pang sumama na sa Pilipinas sa pagpapatrolya sa WPS. Napakagandang hakbang ito upang maapula ang tensiyon sa pinag-aagawang teritoryo.

Masasawata rin ang pagkasira ng mga coral reefs sa lugal na kamakailan ay nabulgar. Ginagamit ng China ang mga Corals sa kanilang negosyo. Pero teka lang, pards….kung andiyan na sa WPS ang mga patrolya ng mga kaanib nating mga bansa….ano kaya ang gagawin ng China? Nakakatakot isipin ang mga susunod na eksena, pards. Sana buhay pa tayo kapag wala na ang tensiyon sa WPS.
Sana buhay pa tayo kapag magkakatotoo na may mabibili na tayong bigas sa halagang beinte pesos kada kilo.

Siguro dapat unahin muna nilang wasakin ang brigada ng mga hoarders at cartel. Parusahan ang dapat parusahan. Mabigat ang kautusan ng Pangulong Marcos hinggil sa rice price cap. Sumunod naman ang mga trader-retailers. Ang kaso, bakit may mga alingasngas na nagkakaubusan na ang mga bigas na saklaw ng P41 at P45/ Kilo? Ubos ba o itinatago? May bagong utos uli ang Pangulong Marcos: price cap sa palay – P19-23/kilo. Malaking kaginhawaan ito para sa mga magsasaka.
Dagdag pa ng pangulo na lahat ng mga tiwangwang na lupa, dapat tamnan ng palay.

Pabor tayo sa panukala, pards. Maraming lupain ang tiwangwang dahil daw sa kulang sa tubig at kulang sa sipag. May mga tiwangwang ding lupain na sa halip na palay ang tanim, puros gulay na
lamang. Ayon sa ilang magsasaka, may mga lupain daw na hindi uubra sa palay kundi gulay. Tanong ng mga sutil: kung marami ang gulayan…bakit nagmahal noon ang sibuyas at kamatis ngayon? Wala kayang anomalya? Sabaggay, kamakailan, may anim na mga hoarders ng sibuyas ang
kinaasuhan na.  Matamis gunitain ang panahon nang gustong matuto sa agrikultura ang Vietnam…tumulong ang teknolohiya ng Pilipinas.

Naturuan natin sila. Ang mapait na resulta…sila na ngayon ang nag-eexport ng bigas sa atin. Anong nangyari? Sagana tayo sa kaalaman sa pagsasaka pero hindi nagamit? O mas kinakabig natin ang mag-import na lang? Mantakin mong isang ulat kamakailan na pangalawa tayo sa buong mundo sa may pinakamaraming iniimport na bigas? Idagdag pa natin ang isa pang pangit na balita na
pumapangalawa ang Pilipinas sa dami ng “on line scam”? Masakit mang tanggapin, magsilbi sanang pagmumulat ang mga ulat na yan para humakbang ng tama pasulong.

Ang siste, kung ano-ano kasing mga sumusulpot na mga problema ngayon na pinagkakaabalahan ng ating mga mambabatas. Nariyan ang mga isyung kulto, nawawalang mga sabungero, mga OFWs na napapariwara sa ibayong dagat at mga patayan dahil sa pulitika gaya ng pagpatay sa isang
abogada sa Abra. Yan ang kasalukuyan. Ano kaya sa hinaharap? Adios mi amor, ciao, mabalos.

TAXI CONVERSATIONS

FALSE FLAG OPERATION

Amianan Balita Ngayon