P2M reward sa magtuturo sa killer ng ex-konsehal sa Pangasinan

BAYAMBANG, PANGASINAN – Nag-alok ng P2 milyong pabuya si Mayor Cesar Quiambao para sa sinumang makapagtuturo sa suspek o mastermind sa naganap na pagpaslang kay dating konsehal Levin Uy.
Ang lokal na kapulisan ay nabigyan ng isang linggong ultimatum mula sa national headquarters upang resolbahin ang pagkamatay ni Uy na pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang suspek nang nag-jogging ito noong Nobyembre 16 (Biyernes).
Sinigurado naman ni Bayambang police chief Supt. Fidel Junio sa isang panayam noong Nobyembre 18 na lahat ng posibleng anggulo ay masusing sisiyasatin.
“It is either I will make it or break it,” aniya.
Sinabi ng hepe na susuriing maigi ng kapulisan ang closed circuit television camera sa pinangyarihan ng krimen.
Idinagdag nito na kukunin din ang mga pahayag ng mga nakasaksi na titipunin bilang mga affidavit.
Si Uy, residente ng Barangay Zone 1, ay pinagbabaril nang malapitan ng hindi nakilalang mga suspek at nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan nito na nagbunsod ng pagkamatay nito.
Agad itong isinugod sa Bayambang District Hospital ngunit idineklarang declared dead on arrival.
Samantala, ang kasama nitong kinilalang si Cesar Salosagcol ay nagtamo rin ng mga tama ng bala ngunit nakaligtas at ginagamot sa ospital.
Maigting na kinondena ng mayor ang pagpaslang kay Uy na inilarawan nito bilang isang pinagkakatiwalaan at kanyang political strategist.
Ilang oras matapos ang naturang pamamaril, nagsagawa si Quiambao ng isang press conference sa Bayambang Event Center. Sinabi ng mistulang nababalisang mayor na isang posibleng motibo ay politika.
Si Uy ay naging kasa-kasama ni Quiambao sa nakaraang 18 taon.
Ang dating konsehal ay chairman ng Kasama Ka sa Barangay Foundation. L.YPARRAGUIRRE, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon