PAG-ALALA AT PAG-ASA

Sa katapusan ng buwan ng Hunyo, manunumpa sa katungkulan ang mga kinauukulang mga pinunong hinalal noong nagdaang eleksyon. Ang mandato ay malinaw, hindi lamang sa atas ng Konstitusyon kundi ayon na rin sa utos ng ating Pangulong Bongbong Marcos. Isantabi ang pulitikang nagdaan, at pagtuunan ng higit pang pansin ang mga magagawa upang higit pang mapagbuti, maiayos, at mapaganda ang lebel at uri ng pamamahala sa bawat kalunsuran, kabayanan at mga lalawigan.

Tunay na malaking hamon sa mga manunumpa ng katungkulan – at ito ay nakaguhit na sa kapalaran ngayong buwan – ang pagbibigay ng kaukulang atensyon upang kahit papaano ay mabalangkas ang mga solusyong kasagutan at aasahan sa mga susunod na tatlong taon. Ang resulya ng naranasang halalan ay malinaw at malakas na ipinahayag ng mga bomoto: Pag-ibayuhin ang serbisyo publiko. Iparating, iparamdam sa mga mamamayan ang halaga at kahulugan ng matibay na paninilbihan.

Isang halimbawa ng suliraning pambayan, lalo na sa mga kalunsurang tulad ng Baguio, ay ang madalas na idinadaing na problema ng trapik. Ano nga ba ang inaasahang solusyon upang tuluyang mabigyan ng kalutasan ang deka-dekadang parusa na dulot ng masidhing trapik sa lungsod, lalo na sa sentro ng buhay at kabuhayan, ang Central Business District? Ganito na lamang ba na tuwing katapusan ng linggong dumadaan, magmula Byernes hanggang Linggo, ay parati na lamang na usad pagong ang daloy ng trapiko sa CBD area?

Habang bumabyahe ang panahon ng walang paghihintay, ay ganoon din daw kabigat ang dausdos ng trapik, ang mga galaw sa kalsada na usad-ipis sa tuwi-tuwina. Alam ng lahat ng motorist ang problemang ito at ang epekto nito sa galaw ng ekonomiya. Mas ma-trapik, mas matindi ang dagok sa ekonomiya. Sa mga nakararanas ng pagbyahe sa loob ng CBD, atin namang aminin na ang problema ng trapiko ay hindi lubusang malulutas dahil ang mga naidadagdag na mga sasakyang pumapasok sa sentro ng Lungsod ay mas mabilis pang dumarami kada taon. Paano mo nga naman pipigilan ang pagdami ng mga sasakyang papunta ng CBD? Sa Kennon Road pa lang ba, dapat ng bigyang babala ang mga dumadagsang turista na hindi na makakapasok sa loob ng CBD?

Ang siste nito ay mayroon tayong mga batas na nakasandal sa Saligang Batas na hindi pwedeng supilin ang mga motoristang makarating ng isang lugar, kung ang rason ay sobra na sa tinatawag na carrying capacity ang pupuntahang pook. Subukan mong bigyang babala ang mga dumadagsang turista. Mapa-Kennon o Marcos Hiway, o maski pa ang Naguillan Road, hindi talaga maaaring bawalang makarating ang isang byahero sa kanyang ninanasang puntahan. Diyan natin masusubukan ang gilas at galing ng mga sinasabing mga pantas sa kalsada. Sige po, inyong pagtuunan ng atensyon ang sitwasyon ng trapik, at ilahad ang inyong mga solusyon na ang pinaghuhugutan ay maaaring naka-depende sa karanasan, sa kaugalian, at sa kaalaman ng mga dalubhasa.

Tiyak natin na, kung mayroong isandaang tao sa loob ng isang silid, at sila ay binigyang puwang na bumalangkas ng mga solusyon, ganoon din karami ang mapupulot nating mga remedyo. Huwag nating kaligtaang ihayag na huwag din nating natin mamadaliin ang paghahanap ng mga kalutasan sa mga paghihirap na ang ugat ay ang kabigatan ng trapik. Ang atin nga pong madalas na marinig sa usapin ng trapik ay simpleng solusyon lang: bawalan ang pagdagsa sa mga lugar na kung saan ang mga sasakyan, publiko man o pribado, Anumang lugar malapit sa sentro ay gawing pinal na destinasyon, upang ang mga nakasakay ay maaaring maibaba at ma-enganyong maglakad na lamang. Hindi ba’t anumang lugar sa Baguio ay nalalakad? Hindi sapagkat naglalaho ang lakas sa paglipas ng panahon ay kailangang munang isantabi ang problema ng mabigat na trapik.

Anumang mga mahahalagang isyu at adbokasiya ang minsan ay pinaghiyawan, ang mga ito pa rin ang naka-ugat sa ating angking katauhan. Hindi ito lumilipas. Nandyan pa rin at nanunuot, kung baga, sa kaibuturan ang puso at kaluluwa. Hindi natin hangarin na saklawan ang kapangyarihan ng mga kinauukulan upang bigyang liwanag ang mga kasagutan sa mga problemang kaagapay ng progresong ating tinatamasa. Muli nating bagtasin ang mga nagdaang agos ng panahon, ang hindi maitatatwang progreso at pakikipagsabayan ng Baguio sa iba pang mga maunlad na lugar. Ating sundan ang pagbabalik-tanaw hindi lamang sa mga taon nitong pangkasalukuyang pag-usad ng lungsod, kundi lampas-dekada pa. Sa hamak na abot-tanaw, ating naranasan ang tila usad-pagong at galaw-ipis na pag-galaw ng lungsod sa mundo ng modernisasyon na siyang tawag ng panahon.

Ang palengke noong ating kabataan , publikong masasabi, ay tila pinag-halong kalamay ng kawalang pagbabago – naglipanang mga naglalako ng kung anu-ano at nagkalat na karumihan saan man bumaling ang mata. Ganito na noon, ganito pa rin ba sa kasalukuyang panahon, at sa mga susunod pang mga taon? Madalas nga nating marinig, bilang pangangatyaw, na kung ikukumpara ang ating pamilihang bayan sa karatig lungsod dyan sa kapatagan, na tila hindi umusad ang panahon sa ating palengke. Palengke pa ring nakagisnan ng ating mga ninuno, walang pagbabagong magpapaangat sa estado at kundisyon. Totoo nga na gayung nasa ganitong kalagayan ang ating pamilihang bayan ay hindi bumitaw ang mga tumatangkilik dito, lalo at higit ang mga bisita nating ramdam ang pagkiling sa lugar para sa mga bibilhing pasalubong pag-uwi sa kani-kanilang pinanggalingan.

Dalangin natinb na simula sa tanghaling tapat ng a-trenta ng Hunyo, tiklop-loob nating sasalungain ang mga nararanasang mga paghihirap sa isang lungsod na tulad ng sa atin. Makibahagi. Maki-ugnayan. Mag-solusyonan tayo. Gawing iisang isip ang pagtagni-tagni ng mga bagay-bagay na may kinalaman sa trapik. Ganoon din ang ating atensyon sa iba pang malubhang kakulangan na siyang humahadlang sa patuloy nating pag-unlad. May pag-asang inaasahan kahit na balot ng pag-aalala an gating kinagigisnang mga kakulangan. Anuman ang problema, mayroon daw kaakibat, at kasing-balikat, na solusyon. Hanapin, hulmahin, at hayaang humulagpos sa ating mga pinag-samang mga kamay.

Amianan Balita Ngayon