PAGBABAGO… MATUTPAD KAYA?

Makabagong panahon na lalo na sa siyensiya at teknolohiya. Malaki na ang pagbabago sa ating ginagalawang mundo. Ang tanong ano ang natutupad sa mga pangakong pagbabago? Anong klaseng pagbabago an gating tinatahak? Subukan nga nating uriratin mga pards bilang
dagdag-kaalaman: Ang tinaguriang Barko ni Noah bilang panagip-lahi ay nabago sa pagdaan ng panahon. Ang mga makabagong barko ay
nadisenyo na pang gyera. Naging mga pwersa upang punasin ang mga masasamang lahi. Gaya ng mga barko ngayon ng iba’t-ibang puwersa ng mga magkakaalyado at magkakalabang bansa na nagpapakita ng ibang uri ng pagbabago sa disenyo at lakas.

Naggigirian na sila kahit pa maganda ang misyon ng Pilipinas at Estados Unidos sa kanilang Balikatan Exercises…nagmamanman at
nakatutok-usi ang Tsina. Pati nga pagdami ng mga barkong pangisda ng Vietnam ay naispatan na rin sa ating mga karagatan. Tsk tsk…sayang ang sinimulang pagkakaisa ng Barko ni Noah dahil binago ng tao ang kanyang misyon. Ang pinalipad ngang kalapati noon nangyayari sa paligid sa gitna ng kung ilang araw na baha….nagbago na sa ngayon. Drones na ang gamit sa himpapawid at karagatan upang makapag-monitor ng mga nangyayari.

Nalagpasan na nga yan ngayon dahil meron na ring mga gawang-Tsina (ayon sa mga nahuhuling mga diumano’y espiya ng China) na mga
monitoring gadgets na nasa ating bansa upang alamin at pakialaman ang mga nangyayari sa Pilipinas. Sana huwag naman pakialaman ang resulta ng eleksiyon sa Mayo 12. Mula nang ilatag ng Poon ang Sampung Kautusan sa panahon ni Moses, parang mas nakararami yata ang mga naging pasaway. Parang yong turo ng mga magulang: kung ano ang bawal siya namang ginagawa. Sabagay…kung alin ang bakurang may bakud…siya pang sinisira at ginigiba.

Kung nasunod lamang ang Sampung Kautusan ng Poon…disin sana’y naging matino ang mundo, di ba? Sa halip na naging gabay ng pagbabago, pati nga Anak ng Diyos ay nagawang parusahan at ipinako sa krus. Ganon kabigat ang mga kasalanan ng mundo na Kanyang pinasan. At sa impit niyang pahiwatig, kanyang hiniling pa rin na patawarin tayo sapagkat hindi natin alam ang ating ginagawa. Sa ngayon… napakaraming nakalatag ng mga panuntunan para sa ating pagbabago. Sinusunod ba natin ito?

Pakunwaring pagsunod ngunit kalaunan…wala na. In short, pakitang-tao. Sana huwag ganyang ang mangyayari pagkatapos ng eleksiyon sa Mayo 12. Sana ang mga binitawang mga pangako ng mga pulitiko ay magkatotoo. Sana maisasagawa ang pangakong pagbabago o
reporma. Kamakailan pumanaw si Pope Francis at habang sinusulat ang espasyong ito, hindi pa sila nakakapili kung sino ang ipapalit sa kanya. Siyempre, magbobotohan pa ang mga Cardinal. Sabi nga, kapag ang usok na lumabas ay puti…nakapili ng bagong Santo Papa. Pero sa atin naman…kaibang usok ang minomonitor.

Una, usok ng nagbubugang bulkan sa Kabicolan at mga nasusunog na tambakan ng basura sa NCR na ang usok ay abot na raw sa Quezon City. Sana naman ay hindi magising at sumabay kay bulkang Bulusan sina Taal, Kanlaon, Mayon at iba pa. Buti na lang nanahimik na si
Pinatubo. Sabat: hindi kaya ito ay mga paramdam ng Poon at tinatapik na ang ating balikat na nagpapaalalal na lumalabis na o sumusobra na tayo sa bakud o guhit? Hindi na naming isasabay na tuligsain ang nangyayari sa pulitika dahil tiyak…mas marami ang makikisawsaw. Pati nga P20 per kilong bigas..pinagbabangayan na, ano pa kung sumabay si pulitika? Iisa lang ang dalangin natin: sana magkakaroon ng
katuturan ng salitang PAGBABAGO sa ating buhay. SANA. Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon