Sa Usapang PIA nitong Nov. 21, ibinahagi ni Pat kung paano nabago ang kanyang buhay pagpasok niya sa Bahay Pag-asa sa Baguio City
BAGUIO CITY
“Hindi pa huli ang lahat para magbago.” Ito ang mga katagang pinatunayan ni “Pat”(hindi niya tunay na pangalan), na isa sa mga residente ng Bahay Pag-asa sa Baguio City. Sa murang edad ay namulat na si Pat sa hindi maayos na tahanan at dumanas ng masakit na paraan ng pandidisiplina. Hindi rin nagtagal ay nawasak ang pamilyang kanyang
pinanghahawakan. Ang kanyang pangarap, naglaho sa isang iglap. Sa kagustuhang matakasan ang buhay na kanyang
kinagisnan, itinigil niya ang kanyang pag-aaral at sumama ito sa kanyang mga barkada.
Nakikita ko po kasi ‘yung mga magulang ko na nag-aaway, ganito ganyan. Ako po ay nalulungkot kaya mas naisip ko na lang na sumama muna sa barkada para makakita ng saya,” kwento ni Pat. Gayunman, ang mga barkadang pinili niya, hindi niya akalaing maglulugmok sa kanya sa kasamaan. Dahil sa barkada, natuto siya ng mga bagay na labag sa batas at masama. “Nagkaroon po kami ng problema hanggang nagkatablahan na po. Nalaman ko na rin po na may warrant of arrest po ako hanggang sa pumunta na po ako ng Cavite para magtago.”
Alinsunod sa batas at sa pagnanais ng pamahalaan na matulungan si Pat, dinala ito sa Bahay Pag-asa, isang child-caring institution na nagbibigay ng residential care para sa mga children in conflict with the law (CICL). Aminado ang 16-anyos na binatilyo na takot ang una niyang nadama sa kanyang paghakbang papasok ng pasilidad. Takot na ang sitwasyon sa tahanang kanyang iniwan ay muli niyang mararanasan sa bagong tahanan. Ngunit sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga tauhan ng Bahay Pag-asa na maganda ang kanilang hangad, unti-unting napawi ang takot ni
Pat.
Sa kagustuhang ituwid ang kanyang landas para sa magandang bukas, taus-pusong sumailalim ito sa iba’t ibang programa ng institusyon. Natuto siya sa mga gawaing bahay, sa gardening, pagtugtog ng musika, pagbi-bake, at higit sa lahat, ang manalig sa Maykapal. Natuto rin siyang makinig at maging disiplinado. “Nung nasa BPA na po ako, dun ko po natutunang mag-gitara ng mga worship songs. Ako na rin po ang nagli-lead ng doxology namin. At tsaka ang isa pong pinakapaborito ko sa Bahay Pag-asa ay ‘yung sa livelihood training po namin. Ako po ‘yung nagbi-bake ng pandesal naming dun.”
Ang animo’y naglahong mga pangarap sa kanyang dibdib ay muling nagliyab. Isa si Pat sa mga sumailalim sa Alternative Learning System sa pagnanais na matapos ang kanyang pag-aaral. Kapag bumalik na siya sa komunidad, nais niya na ipagpatuloy ang kanyang karera bilang panadero. Si Pat ngayon ang nagtuturo ng baking sa mga bagong residente ng Bahay Pag-asa. Pinasalamatan naman nito ang pamahalaang lokal ng Baguio City at ang mga kawani ng Bahay Pag-asa na walang sawang gumabay sa kanila hanggang sa mahanap nila ang kanilang sarili.
“Nagpapasalamat po ako sa Bahay Pag-asa dahil sila ‘yung mga naging pangalawang magulang naming para gabayan kami at para na rin po itama ‘yung mga nagawa naming mali.” Dumaan man ang matinding pagsubok sa buhay ni Pat, hindi ito nagpatinag. Pinatunayan nito na minsan man ay naligaw ang kanyang landas, tunay na hindi pa huli ang lahat para magbago at ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa sarili.
(DEG-PIA CAR)
December 8, 2024
December 8, 2024
December 8, 2024
December 8, 2024
December 8, 2024