Pagbabawal ng golf carts sa mga kalsada, Inihain sa Konseho ng Baguio

Iminungkahi ni Konsehal Joel Alangsab ang panukalang ipagbawal ang golf carts na dumaan sa mga pampublikong kalsada. Layunin nito na ipagbawal ang golf carts na gamitin bilang isang uri ng transportasyon sa lansangan maliban na lamang kung: kinakailangang tumawid sa kalsada upang makapunta sa kabilang parte ng golf course; mayroong lokal o international na golf tournament na nakatakdang itaguyod ng lungsod at; awtorisado ito sa ilalim ng ordinansa.
Ayon kay Alangsab, nakakabahala ang paggamit ng mga turista sa mga golf cart bilang uri ng transportasyon sa mga kalsada partikular na sa mga lansangan sa Outlook Drive patungong South Drive at mga kalsada sa loob ng Baguio Country Club at Camp John Hay.
Dagdag pa niya, ang mga golf carts ay itinuturing na “play toys” at hindi ginagawaran ng Land Transportation Office (LTO) ng lisensyadong mga plaka.
Ang sinumang mahuling gumagamit ng golf carts sa mga kalsada ay mapapatawan ng mga sumusunod na parusa: Multang nagkakahalaga ng P2, 000.00 o pagkakakulong nang 20 araw hanggang isang buwan para sa unang paglabag; multang P3, 000.00 o pagkakakulong nang isa hanggang tatlong buwan para sa ikalawang paglabag at; multang P5, 000 o pagkakakulong nang tatlo hanggang anim na buwan para sa ikatlong beses depende sa desisyon ng korte.
Samantala, minamataan ring parusahan ang mga mga may-ari ng golf carts na papahintulutan ang sinumang lumabag sa naturang ordinansa. P3, 000.00 na multa o pagkakakulong nang isa hanggang tatlong buwan ang ipapataw para sa unang paglabag; P4,000. 00 na multa o pagkakakulong nang tatlo hanggang apat na buwan naman para sa ikalawang beses na lumabag sila at; multang nagkakahalaga ng P5,000.00 o pagkakakulong nang apat hanggang anim na buwan para sa ikatlong pagkakataong labagin nila ito depende sa desisyon ng korte.
Kaakbay ng Lokal na pamahalaan ng lungsod ang Baguio City Police Office (BCPO), Traffic Management Unit (TMU) ng lokal na gobyerno, Permits and Licensing Division ng Opisina ng Alkalde at ang iba’t ibang mga Barangay sa lungsod upang malawakang mabantayan ang pagpapatupad nito.
Isinangguni ang panukalang ito sa Committee on Public Utilities, Transportation and Traffic Legislation (PUTTL) matapos itong maaprubahan sa unang pagbasa noong ika-3 ng Pebrero.
 
Khristle B. Rigos/ABN

Amianan Balita Ngayon