LINGAYEN, PANGASINAN – Nanawagan sa publiko ang Pangasinan Provincial Health Office (PHO) na huwag ipagpalagay na ang Dengvaxia ang sanhi ng pagkamatay ni Dr. Kendrick Gotoc noong Abril 22.
Sa panayam kay Dr. Anna Teresa de Guzman, provincial health officer, sinabi nito na ang pagkamatay ni Dr. Gotoc ay hindi pa dapat isisi sa Dengvaxia, dahil patuloy pa rin ang laboratory tests habang sinusulat ito.
“We cannot be conclusive, jumping into conclusion that Dengvaxia was the cause of his death since we are still awaiting the medical records, although his family admitted that indeed he was injected with Dengvaxia vaccine,” ani De Guzman.
Binisita ni De Guzman ang labi ni Gotoc sa Binalonan noong Abril 24 ng umaga upang magsagawa ng imbestigasyon sa pagkamatay nito.
Aniya, ipinaalam ni Gotoc sa kaniyang pamilya na nakumpleto nito ang tatlong shots ng Dengvaxia vaccine noong 2016, nang nagsisilbi pa lang siyang consultant sa Rural Health Unit ng Quezon City, bilang utos ng Department of Health (DOH) ayon sa kapatid nito na si Councilor Ryan Gotoc.
“His brother also said Kendrick suffered from depression as soon as he noticed rashes all over his body and his sudden decrease in body mass,” ani De Guzman.
Base sa salaysay ng pamilya Gotoc, itinakbo ang doktor sa isang pribadong ospital matapos idaing ang mahirap na paghinga, subalit namatay matapos ang tatlong oras sa emergency room, dagdag ni De Guzman.
“We are looking at it as probably cardiac arrest or an infection. We still need to establish other symptoms relating to Dengvaxia before we could conclude on the matter,” aniya.
Pinayuhan ni De Guzman ang pamilya na “submit all necessary documents to the DOH, PHO and even to the National Bureau of Investigation if they would pursue filing a case”.
Nagpahayag ang pamilya Gotoc ng pagnanais na magpila ng kaso laban sa DOH at humingi ng tulong mula sa World Health Organization.
Sa Pangasinan, masusing sinusubaybayan ng PHO ang 50 na nabakunahan ng Dengvaxia vaccine sa probinsiya.
Inihayag ni De Guzman na apat sa kabuuang bilang ang naospital at kasalukuyang nasa mabuting kalagayan.
“All these 50 so far are in good health,” aniya. A. PASION, PNA / ABN
April 28, 2018
April 28, 2018