NITONG WEBES lang, ating ipinagdiwang ang ika-127 na taon ng ating kasarinlan bilang isang bansang malayang bumabalangkas ng
tatahaking landas ng Pilipinas. Hindi maiiwasang harapin ang mga katanungang naihayag ng mga sektor ng lipunan na tila walang saysay ang tinatamasang kasarinlan. Ang mga tanong na tahasang inihayag sa ating kamalayan: UNA, tayo bang mga Pilipino ay malaya? PANGALAWA, ano nga ba ang mga kaakibat ng kasarinlan? PANGATLO, mayroon ba tayong kasarinlang maipagdiriwang sa panahong tulad ngayon na talamak ang mga pangangailangang tila usad-pagong ang pagpapatupad?
Sa pagkakataong ito, ating harapin ang kasalukuyang sitwasyon. Ayon sa kasaysayang ipinamumulat sa atin mula pagkabata, ang kasarinlan natin ay nagsimula noong 1898, nang ideklara ng kauna-unahang Pangulo, si Heneral Aguinaldo na simula sa araw na iyon ang Pilipinas ay nagsasarili na bilang isang binuong bansa. Isang karungisan nga lamang ay ang presensya ng mga opisyal ng America sa okasyong iyon. Eh bakit nga ba nandoon ang mga dayuhang puti sa isang pagtitipon ng mga Pilipinong hangaring maipatupad ang pagsasarili?
Maituturing nga bang tunay na pagsasarili ang naganap na paghahayag kung nandoon pa ang mga banyagang tila binabantayan ng mabunying pagtitipon? Iisa lang ang kadahilanan: kinailangan ang proteksyon ng America sa panahong tumitindig ang lahing Pilipino bilang isang nagsasariling bansa. Sa lumipas pa ng umuusad na panahon, habang binibigyan tayo ng proteksyong ‘Merkano ang tatak, nadamay ang bansa sa sigalutang World War II. Sinakop ang Pinas ng mga Hapon at apat na taon tayong inalipusta ng mga mananakop.
Ng mag tapos ang gyera, nagdeklara muli ang mga lider ng bansa na ituloy ang paglalayag sa landas ng pagsasarili.
Laurel, Roxas, Quirino, Magsaysay, Garcia, Macapagal, Marcos Ferdinand, Aquino Cory, Estrada, Macapagal Arroyo, Aquino Noynoy, Duterte, at ang kasalukuyang Pinuno, Bongbong Marcos Jr. Sila ang mga lider na kani-kanilang panahon ay nagsilbing Tagapangasiwa ng Bansang binubuo ng tuluyan, nagsasarili at kusang nilalandas ang tinatahak na paglalakbay. Pinangungunahan ang pag-usad ng Pinas sa landas ng isang bansang may layang balangkasin ang lakbay ng buong kusa at walang pakundangan. May pangarap na dapat hubugin at isakatuparan ang nasang taas-noong babalikatin ang bigat ng dalahin tungo sa kaunlaran, hindi ng iilan kundi ang kalahatan, hindi ang may kapangyarihan, kundi mauna ang mga nasa laylayan at baybayin.
Nitong kasalukuyang panahon, ang bansa ay dumanas ng mga pag-sagwan sa gitna ng mga pagsubok. Mga suliraning ilang mga dekadang bitbit ng mga namumuno. Mga kakulangang nanunuot sa bawat banat ng balikat ng isang nasyong pagnanasa lamang ang makahulagpos sa mga kasawian, at maipadala ang biyaya ng buhay na natatanaw ang progreso sa hindi kalayuan. Kaya naman, napapanahong bigyan ng atensyon ang kalidad ng buhay ng nakararaming sektor at pamilya, sa kabayanan man at sa kalunsuran. Ang kagutuman ba ay naiibsan? Mayroon bang masustansyang pagkain sa mga hapag? May kakayahan ba ang ating mga anak na magkaroon ng edukasyong kapupulutan ng pagkakataon na maging produktibong kasapi ng lipunan?
Meron ba silang masasandigan upang sa tamang panahon ay matupad ang mga pangarap na umangat ang kanilang sitwasyon at magkaroon ng pagkakakataom na makilala ang maigalang ang natatanging kakayahan at karanasan? Sapat ba ang serbisyo ng gobyerno upang matugunan ang mga kinakilangang suporta para sa mga madalas na pagnanasa ng buhay na masinop, maalaga, at may halaga sa bawat isa? Ang bawat manggagawa ba may disenteng hanapbuhay, at ang bawat araw at natutumbasan ng tamang sahod sa bawat patak ng dugo, pawis, at luha na naigugol bilang kapalit? Isang palagiang kaisipan na higit na marami ang paluhod sa paghihintay ng kalinga at aruga ng isang maalalahaning pamahalaan. Isang bansa tayo na mayroon bahagi sa pagiging kabuuan. Bawat ambag at isang haligi ng katatagan. Huwag nating ipagkait ang pagiging Pilipino sa bawat isa.
June 14, 2025
June 14, 2025
June 14, 2025
June 14, 2025
June 14, 2025
June 8, 2025