Ang halalan sa ating bansa ay palaging may kasiyahan at pangkulturang kapaligiran. Hindi mahalaga kung ito ay pambansa o lokal na eleksiyon, ang mga halalan ay pinag-aalala tayo kung saan sinasalamin nito ang ating pakiramdam bilang mga tao at ito’y nagpapalakas sa ating lipunan. Mga buwan, linggo at araw na papalapit sa eleksiyon, ang mga ads at mga kampanya ay tumitindi. Ang mga motorcades at pampublikong mga debate ay lalong nagiging mas madalas. Halos araw-araw ay nasa pamukhang pahina ng mga pahayagan at mga programa ng balita sa radyo at telebisyon ang mga isyu sa politika. Ang mga tensiyon, awayan, at mga kontrobersiya sa pagitan ng mga
kandidato ay tumataas.
Habang nasa kainitan na ng pangangampanya ang mga kandidato para sa mid-term elections ngayong Mayo 12 ay pinapaigting din ng Commission on Elections (Comelec) ang kampanya nito laban sa “pasaway” na mga kandidato. Maliban sa ilang naitatalang karahasan at pagpatay na nauugnay sa eleksiyon sa ilang maiinit na lugar ay may mga insidente rin ng mga hindi kanais-nais at di katanggap-tanggap na mga pahayag, litanya, pagbibiro sa hanay ng mga kababaihan, gayundin ang paggamit sa mga may kapansanan masira lamang ang ibang kandidato. Talamak din ang mga iligal na mga materyales sa kampanya at ang patuloy na hindi pagsunod sa pagkakabit ng mga posters sa mga “common designated areas”.
Dahil dito ay nagpalabas na ang Comelec ng mga “notices” at “show cause orders” sa mga kandidatong lumabag sa mga panuntunan ng
Comelec upang magpaliwanag kung bakit “hindi sila dapat idiskwalipika” sa gagawing halalan. Sa pinakamahabang panahon sa kasaysayan ng halalan sa Pilipinas ay walang naitatalang “malinis” na halalan. Sa bawat eleksiyon, hindi pa man nag-uumpisa ang takdang panahon ng kampanya ay may mga pagpatay na at karahasan. May mga patutsada na mula sa mga magkakaibayong partido. Sabi nga nila ay tila hindi kapana-panabik ang isang eleksiyon kung walang ingay at bangayan – kung saan nasanay na tayo.
Sa kasalukuyang pamunuan ng Comelec ay pinagsisikapan nitong linisin ang takbo ng halalan sa Pilipinas, kahit pa ipinagkikibit-balikat at tinutuya ng ilan ang mga hakbang na para sa kanila ay tila mga paraang pagmamalabis sa mandato. Ang pagsasagawa ng ating halalan ay higit na hinuhubog ng ating kultura. Sa pamamagitan ng pag-aaral kung paano gumagana ang halalan sa ating bansa, natututo din tayo ng maraming bagay tungkol sa ating sarili bilang isang tao. Sa mga tradisyunal na lipunan, ang politika, pamamahala, at batas ay hindi kailanman hiwalay at pana-panahong pangyayari; ang mga ito ay pang-araw-araw na bahagi ng buhay.
Ipinapaliwanag nito kung bakit minsan ay nalilito tayo sa pulitikal at sa kultura, ang panlipunan sa personal. Dapat tayong matuto kung paano harapin ang mga aspetong ito at subukang tingnan ang kabuuang larawan, lalo na sa mainit na sitwasyon tulad ng halalan. Tila suntok sa buwan ang hangarin nating magkaroon ng isang malinis, maayos at mapayapang halalan. Ngunit sa munting mga hakbang na udyok ng taos-pusong pagnanais ng bawat aktor na nagkakaisa ng layunin ay maaaring magkaroon tayo ng pag-asa. Ang pag-asang ito ay nasa bawat isa sa atin na pipili ng mga karapat-dapat na uupo sa mga posisyong tayo ang magtatakda. Iluklok natin ang mga matitino, walang-bahid dungis at hindi pa nalalatayan ng korapsyon sa katawan na handang tumulong sa paglilinis at pagreporma ng ating sistema sa eleksiyon.
April 12, 2025
April 12, 2025
April 5, 2025
March 29, 2025
March 22, 2025
March 8, 2025