“PAGPUPUGAY KAY BROD DODONG NEMENZO JR.”

Hindi ko personal na nakadaupang-palad si Fraternity Brod Prof. Francisco “Dodong” Nemenzo Jr., o nakasama man lang kahit saglit sa anumang pagtitipon o naka-kapit-bisig sa anumang martsa sa lansangan bilang aktibista.
Ngunit sa kasaysayan ng Pi Sigma Fraternity nakaukit ang kanyang pangalan dahil sa taos-pusong malasakit sa
kapatiran at sa bayan bilang Brod, Akademiko at Presidente ng Unibersidad ng Pilipinas. Tanglaw si Brod Dodong
Nemenzo ng walang kapantay na dedikasyon para sa Katarungan, Kalayaan at Panlipunang Pagbabago.

Naging inspirasyon ng karamihan ang kanyang buhay. Siya ay isang kilalang akademiko at aktibista na naging huwaran ng mga iskolar aktibista. Ginabayan niya ang marami sa pamamagitan ng matalas niyang talino at matatag
na paninindigan laban sa mga kabaluktutan ng lipunan. Bilang isang political scientist, binigyang-liwanag
niya ang mga dinamika ng kapangyarihan at di-pagkakapantay- pantay. Tinuruan niya ang mga mag-aaral at aktibista ng kakayahang suriin at hamunin ang mga istrukturang panlipunan.

Bilang Pangulo ng UP, pinamunuan niya ang pagtatanggol sa kalayaang akademiko habang itinaguyod ang makabago at progresibong edukasyon. Dahil dito, nanatili ang UP bilang tanggulan ng demokrasya at kritikal na pag iisip, kahit sa gitna ng hamon ng panahon. Ang pamana ni Brod Dodong ay mananatiling buhay sa puso ng bawat isa na nangangarap at lumalaban para sa mas maayos na kinabukasan. Nawa’y ang ipinamalas na kahusayan at katibayan ng paninindigan para sa bayan ni Brod Dodong Nemezo Jr. ay magbigay-lakas sa mga Pilipino upang magpatuloy sa pakikibaka para sa makatarungan at makataong lipunang Pilipino. Ang ehemplo ng kanyang buhay ay liwanag na kanyang sinidihan upang igiya ang bawat Pilipino tungo sa isang antas na pag-iisip na mas mataas kaysa pangkaraniwan. Hindi makasarili, ngunit para sa mas nakararami!

Amianan Balita Ngayon