PAGREHISTRO NG MGA PWD’S SA PHILIPPINE REGISTRY OF PERSONS WITH DISABILITY, BINIGYANG-DIIN

BAGUIO CITY

Binigyang-diin ng Regional Council on Disability Affairs (RCDA) Cordillera ang kahalagahan ng
pagrerehistro ng mga persons with disability (PWDs) sa Philippine Registry of Persons with Disability (PRPWD). Ang PRPWD ay database na pinangangasiwaan ng Department of Health (DOH) ngunit ang magrerehistro sa mga PWDs ay ang pamahalaang lokal. Nakasaad sa registry system ang health and development needs ng mga taong may kapansanan.

Ayon kay Benelyne Balagey ng DOH-Cordillera, kahit na may ID ang isang taong may kapansanan, hindi ito makakaavail ng PhilHealth benefits kung wala ito sa naturang registry system.
“Siyempre, sa health concerns, sinasabi namin, you have to ensure na itong mga PWDs natin ay registered sa registry system kasi po, ‘yun lang po ‘yung basis. Whatever ‘yung mga naibibigay ng ating government, ang basis po natin is the system, not ‘yung ID lang,” ani Balag-ey.

Nakasaad din sa Implementing Rules and Regulations ng Republic Act 11228 o “An Act Providing for the Mandatory PhilHealth Coverage for all Persons with Disability, Amending for the Purpose, Republic Act No. 7277, otherwise known as the Magna Carta for Persons with Disability” na lahat ng PWDs na rehistrado sa DOH PRPWD ay saklaw ng National Health Insurance Program ng
PhilHealth. Nasa 70,000 ang mga taong may kapansanan sa Cordillera, ayon kay Private Sector
Representative Tomas Avelino.

Gayunman, sinabi ni Balag-ey na batay sa kanilang datos, nasa 31,000 lamang na PWDs sa
Cordillera ang rehistrado sa PRPWD. Tiniyak naman nito na handa ang kagawaran na magbigay ng technical assistance sa mga pamahalaang lokal ukol pa rin sa paggamit ng PRPWD upang mairehistro ang lahat ng persons with disability sa kanilang nasasakupan. “Umiikot naman po ‘yung aming IT [information technologist], kung anong munisipyo ho ‘yung nangangailangan ng technical assistance on registry,” aniya.

Dagdag ni Balag-ey, kailangan ding malaman ang tamang bilang ng mga PWDs sa isang lugar upang alam ng mga ahensiya ang angkop na programa na dapat nilang ipatupad. Ang mga may kapansanan na hindi pa rehistrado sa PRPWD ay maaaring magtungo sa Persons with Disability
Affairs Office (PDAO) o Local Social Welfare and Development Office (LSWDO) sa kanilang lugar. Ang mga may non-apparent disability o nonvisible disability ay kailangan lamang magpakita ng medical certificate upang makarehistro.

Ayon naman kay Mary Ann Buclao ng Department of Social Welfare and Development Cordillera, kailangang mapaigting pa ang information campaign lalo na sa lebel ng mga local government units
ukol pa rin sa PRPWD. “We need to inform and call the attention of our LGUs most specifically, ang MSWDO sa fifth to sixth class municipalities.

We need to remind them to look into the registration,” saad ni Buclao. Isa ang PRPWD sa mga tinalakay ng mga miyembro ng RCDA sa fourth quarter meeting ng council nitong Lunes, Disyembre 11, sa Baguio City. Iprenesenta rin sa mga miyembro ang coordination mechanism sa pagitan ng mga PDAO at mga LSWDO Persons with Disability Focal Persons alinsunod sa Joint Memorandum Circular No. 01, Series of 2023 na inilabas ng NCDA, DSWD, at DILG noong Setyembre 4, 2023.

(DEG-PIA CAR)

Amianan Balita Ngayon