Pagsasagawa ng 2020 Census of Population and Housing Napakahalaga Para sa Bayan

Sa buong buwan ng Setyembre ay isasagawa ng nasa 113,364 data enumerators o survey personnel ang bahay-bahay na interview sa buong bansa para sa 2020 Population and Housing Census. Layunin ng Philippine Statistics Authority (PSA) na matapos ang census ngayong buwan upang makumpleto ang report sa populasyon ng bansa sa Abril o Mayo 2021.
Ginagawa ang census sa populasyon kada limang taon at tuwing sampung taon naman ang para sa housing. Itinuloy ng gobyerno ang pagsasagawa ng 2020 Census sa Population at Housing sa buong buwan ng Setyembre kahit pa nasa kakaibang hamon na haharapin ang PSA dahil sa mataas na banta at panganib dulot ng COVID-19 sa ilang mga lugar.
Nauna nang naitakda noong Mayo 4 ang pagsasagawa ng census subalit dahil sa sitwasyon ay naipagpaliban ito ngayong Setyembre. Napakahalaga ng mga datos bilang gabay sa mga programa ng estado, lalo na sa mga target isyu na may kinalaman sa edukasyon, kalusugan, seguridad at kahirapan sa lebelo ng lokal na gobyerno. Gayundin ang pagkalap ng mga datos na may kaugnayan sa trabaho, overseas employment at iba pang socio-economic factors ay nangangahulugan na magkakaroon tayo ng ideya sa epekto ng pandemya sa COVID-19 sa mga sambahayan.
Pinondohan ang isasagawang census sa taong ito ng PhP3.8 bilyon na badyet ngunit hindi kasama dito ang gastusin sakaling maisailalim ang mga PSA personnel sa COVID-19 testing ngunit may ilang local government units (LGUs) ang nag-alok na balikatin ang halaga upang masiguro ang kalusugan ng mga enumerators.
Dito sa Cordillera Administrative Region (CAR) ay may 2,926 na trabahador mula sa iba-ibang mga barangay ang nagsasagawa na ng census. May alokasyon na 399 ang Abra na binubuo ng area supervisors, team supervisors, at enumerators habang ang Apayao ay may 192, Mountain Province – 231, Kalinga – 182, Ifugao – 266 at Baguio City at Banguet na may 1,484.
Nagsanay at handa ang mga magtratrabaho sa census at siniguro ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang kaligtasan nila mula sa banta ng COVID-19 pati na ang mga taong tatanungin sa interview dahil magsusuot ng akmang personal protective equipments ang mga enumerators. Gayundin susundin ang minimum health protocols sa pagsasagawa ng interview na hangga’t maaari ay hanggang tarangkahan lang sila at tatagal lamang ng 15 hanggang 30 minuto.
Walang dapat ipangamba ang mga tao dahil ang mga impormasyong makakalap ay mananatiling istriktong “confidential” sa ilalim ng Section 26 ng Republic Act No. 10625, o ang Philippine Statistical Act of 2013 at hindi magagamit sa anupamang bagay bukod sa census.
Sa 2015 Census of Population ay opisyal na naitala ang populasyon na 100,981,437 hanggang Agosto 1, 2015 at “tinatayang” nasa 108.8 milyon ang populasyon hanggang Hulyo 1, 2020 na may 54.9 milyon na lalaki at 53.9 milyon na babae.
Dumaranas ng hirap ang mga enumerators sa pagsasagawa ng census lalo na ngayon na malaki pa rin ang banta ng COVID-19, ngunit hindi na alintana ito maisagawa lamang ang census. Kaya hinihimok ng gobyerno at PSA ang bawat mamamayan na makilahok at makipagtulungan sa isinasagawang census para sa kabutihan at kapakanan ng buong bansa at lahat ng mamamayan nito.
Hindi maaaring tumanggi ang tao na makilahok sa census dahil sa ilalim ng Section 27 ng RA 10625, ang mga paglabag gaya ng hindi pagbibigay ng totoo at kumpletong sagot sa mga istatistikong tanong ay may kaparusahan na isang taon na pagkakabilanggo at multa na PhP100,000.00
Ang datos na makakalap ay magiging pundasyon at pinakabuhay ng gobyerno sa paggawa ng mga polisiya at mga gagawing desisyon kung saan ang census ay hindi lamang mga numero kundi mga “tunay na buhay.”

Amianan Balita Ngayon