Pagsuspinde sa dagdag pasahe sa taxi, hiniling

Inaprubahan sa konseho ng Baguio ang panukalang humihiling sa Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) na agad suspendihin ang mataas na pasahe sa taxi na pinayagang ipatupad ng ahensya noong Marso ngayong taon sa lungsod at upang ang petisyon para sa taxi fare hike ay ipasailalim sa kinakailangan na public hearings.
Ang panukala na akda ni Councilor Elaine D. Sembrano at nagsasabing ang kasalukuyang labis na taxi fare hike na inaprubahan ng LTFRB central office ay nagdulot sa publiko ng pagkabigla na naging sanhi ng maraming reklamo mula sa mga residente at turista.
Idinagdag sa panukala na ang pagtaas ng pasahe sa taxi ng P13.50 per kilometro at karagdagang P2 bawat minuto ng biyahe ay itinuturing na labis-labis, at lampas sa abot ng mga pasahero mula sa iba’t ibang bahagi ng lungsod, lalo na sa sektor ng mababang kita, kaya mayroong karagdagang pasanin sa pananalapi.
Simula nang ipatupad noong Marso, inihayag sa panukala na napansin ang dami ng mga nagrereklamo mula sa mga riding public kaugnay sa pasahe ng taxi at mula sa dating pasahe base sa lumang rate ay dumoble nang ipatupad ang bagong rate, lalo na kapag malayo ang biyahe.
Ayon sa resolusyon, ang pamahalaang lokal ay inuutusan ng Local Government Code na laging isaalang-alang ang pangkalahatang kapakanan ng mga nasasakupan nito at ikinonsidera na ang pagtaas ng pamasahe sa taxi ay nag-iisang ipinasiya ng LTFRB nang walang abiso sa lungsod at mga apektadong stakeholder.
Idiniin sa panukala ang kahalagahan ng pagsasagawa ng LTFRB ng public hearings para sa taxi fare hike sa lungsod upang matukoy ang angkop na pagtaas ng pasahe sa ilalim ng kasalukuyang kalagayang socio-economic at sa pagsasaalang-alang kung ano ang pinaka-abot-kayang singil sa pamasahe na kakayanin ng mga sumasakay ng taxi sa lungsod.
Pinalawig sa panukala ang paanyaya sa mga opisyal ng LTFRB, lalo na mula sa central office, na humarap sa isa sa regular sessions ng konseho upang ipaliwanag ang basehan ng pag-apruba ng kasalukuyang pasahe sa taxi sa lungsod na siyang dahilan ng maraming reklamo hindi lamang mula sa mga residente gayundin sa mga bisita na madalas pumunta tuwing weekends at holidays.
Ang mga taxi unit na may plakang nagtatapos sa 5, 9 at 0 ay sasailalim sa calibration ngayong Mayo habang ang ibang units na may plakang nagtatapos ng 1, 2 at 3 ay na-calibrate noong Marso at ang mga unit na may plakang nagtatapos sa 4, 6, 7 at 8 ay sumailalim sa calibration noong Abril.
Ang naaprubahang panukala ay agad na ipapasa sa LTFRB central office para sa impormasyon, gabay at kinakailangang aksiyon kapas napirmahan na ni Mayor Mauricio G. Domogan ang local legislation. BAGUIO PIO / ABN

Amianan Balita Ngayon