PAGSUSURI NG HIV, ISANG HAKBANG TUNGO SA KALIGTASAN

BAGUIO CITY

Sa isang makabuluhang hakbang upang mapabuti ang access sa mga serbisyo para sa HIV testing, ang Department of Health (DOH) at ang city government ay naglunsad ng “HIV Testing Hub” sa Baguio Convention Center, na nagsimula noong Mayo 16. Ayon kay Darwin F. Babon, Regional Program Manager ng National AIDS and STI Prevention and Control Program sa Cordillera, ang nasabing proyekto ay naglalayong mabawasan ang stigma sa mga taong may HIV at gawing mas normal ang serbisyo para sa kanila. “Layunin namin na gawing
mas accessible at madali ang serbisyo para sa mga mamamayan, lalo na sa mga kabataan at mga nasa laylayan.” Ang “Park and Test” facility ay bukas mula 5pm pataas, at walang mga requirements na kailangan para sa testing. Ang mga resulta ng testing ay makukuha sa loob lamang ng 15 minuto, at libre ang serbisyo.

Bukod dito, maaaring mag-book online ang mga gustong magpa testing upang maiwasan ang pila. Sa paglulunsad ng proyekto, hinikayat ng DOH ang publiko na magkaroon ng responsible at safe sex practices, at gawing habit ang pagpapatingin sa HIV testing. “Ang HIV testing ay isang paraan upang maprotektahan ang ating sarili at ang ating mga mahal sa buhay,” ayon kay Babon. Para sa mga katanungan
at booking, maaaring bisitahin ang Facebook page ng STI-HIV Prevention-Control Cordillera (NASPCP Cordillera) o magtungo sa Baguio
Convention Center para sa karagdagang impormasyon. Ang nasabing proyekto ay inaasahang makakatulong sa paglaban sa pagkalat ng HIV sa lungsod at sa pagbibigay ng suporta sa mga taong may HIV. Sa pamamagitan ng “HIV Testing Hub”, ang DOH at ang lungsod ng Baguio ay nagpapatunay na ang kalusugan ng publiko ay kanilang prayoridad. Ang nasabing proyekto ay isang hakbang tungo sa paglikha ng isang lipunan na may kamalayan sa kahalagahan ng kalusugan at pag-iwas sa mga sakit.

Millard Jude Omar V. Gregorio/ UC-Intern

Amianan Balita Ngayon