Pagtanggap sa mga PWDs, hiniling sa mga bangko

Nilagdaan ni Mayor Mauricio Domogan ang isang city council resolution na pinapakiusapan ang lahat ng bangkong nag-ooperate sa lungsod upang tanggapin, nang walang diskriminasyon, ang mga may kapansanang tao, partikular ang mga visually-impaired, sa pagbubukas ng kanilang bank accounts.
Ang hakbang ay inakda nina konsehal Arthur Allad-iw at Francisco Roberto Ortega VI, na tumutukoy sa RA No. 7277 o ang Magna Carta for Disabled Persons na nagdedeklara na ito ay isang polisiya ng Estado na bigyan ng “buong suporta upang mapabuti ang kabuang kapakanan ng may kapansanang tao at kanilang integrasyon sa mainstream ng lipunan”.
Nakalagay din sa batas na “may karapatan ang mga may kapansanang tao tulad ng ibang tao na magkaroon ng lugar sa lipunan. Kinakailangan nilang mamuhay nang malaya at maging independent hangga’t maaari. Ito ay dapat na concern ng bawat isa – ng pamilya, komunidad at lahat ng government and non-government organizations. Ang karapatan ng bawat may kapansanang tao ay kinakailangang mapansin bilang welfare service ng gobyerno”.
Ang naaprubahang hakbang ay nagsasabing karamihan ng nangongolektang ahensiya ng gobyerno tulad ng Pag-ibig, Philhealth, SSS, at iba pa, na nagpapatupad ng electronic payment at collection system sa remittance ng premium contributions o mga utang.
Nakasaad na ang kaso ng Good Care Multi-Purpose Cooperative, isang entity ng visually impaired persons (VIPs) na bahagi ng massage service, na sumubok na magbukas ng accounts subalit sila’y hindi tinanggap diumano ng ilang bangko dahil gumamit sila ng thumb marks sa halip na pirma.
Ayon sa kooperatiba, ang rural banks ay tumatanggap ng pagbubukas ng bank accounts ng visually impaired members subalit, ang rural banks diumano ay hindi accredited ng mga collecting government offices.
“In as much as the VIPs want to comply with government requirements on electronic remittances, they cannot do so because of the limited number of banks that are accommodating them.  They also wish to open their accounts in banks of their own choice just like what other members of society do,” ayon sa resolusyon. G.KEITH / ABN

Amianan Balita Ngayon